AKO BICOL PARTY-LIST MULING TATAKBO SA 2025 MIDTERM POLLS

MULING naghain ng Certificate of Nomination and Acceptance ang Ako Bicol Party-List upang ipagpatuloy ang mga programang isinusulong nito sa Kongreso.

Pinangunahan nina Ako Bicol Party-List Congressman Zaldy Co at Alfredo ‘Pido’ Garbin ang paghahain ng kandidatura sa Commission on Elections noong Lunes.

Nabatid sa isang pahayag, iniulat ng Ako Bicol Party-List kung saan dinala ang mga proyektong nakuha nito sa mga nakalipas na taon.

Kabilang dito ang pagpapagawa ng mga lansangan at tulay, ospital, school buildings, solar street lights, solar-powered water and irrigation projects, pabahay, trabaho sa mga disadvantaged workers, at mga ayuda tulad ng Assistance to Individuals in Crisis Situations, medical assistance for indigent patients at Ayuda sa Kapos ang Kita Program.

Ayon kina Garbin at Co, patuloy nilang ipaglalaban ang pondo para sa mga nabanggit na proyekto na dumadaan lahat sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno. Isinusulong din ng Ako Bicol Party-List ang transparency at tamang paggamit ng pondo ng pamahalaan.

Hinikayat din nila si Vice President Sara Duterte-Carpio na dumalo sa mga pagdinig sa Kongreso upang ipaliwanag sa taumbayan kung papaanong ginastos ang budget at confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education na noo’y pinamumunuan niya.

(PAOLO SANTOS)

45

Related posts

Leave a Comment