MARIING itinanggi ng mga akusado ang akusasyon at naghain kaagad ang kanilang abogado ng mosyon for reconsideration na layuning mapawalang bisa ang warrant of arrest na ginamit para sila maaresto sa kasong panghahalay ng isang menor de edad.
Isinilbi ng pulisya sa tulong ng Criminal Investigation and Detection Group-Northern District Forensic Unit (CIDG-NDFU), ang warrant of arrest na inilabas ni Caloocan Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Ma. Rowena Violaga Alajandria ng Branch 121, para sa dalawang bilang ng kasong rape sa ilalim ng Article 266 ng Revised Penal Code na walang inirekomendang piyansa.
Base sa isinumiteng report ng pulisya, inaresto ang mga akusadong sina alyas “Mayor Rico”, 51, alyas “Councilor Jonjon”, 48, at kawani na si alyas “Roel” 52, sa Amana Waterpark ng nasabing bayan.
Ang tatlong inaresto, kabilang ang dalawang opisyal ng bayan ng Pandi sa Bulacan, ay pawang mga akusado sa umano’y panggagahasa, mahigit limang taon na ang nakalilipas sa lungsod ng Caloocan.
Binasahan din ng kanilang karapatan ang tatlo, kaharap ang kanilang abogadong si Atty. Doctor, bago sila dinala sa headquarters ng NPD sa Caloocan upang pansamantalang idetine sa kanilang custodial facility habang hinihintay ang paglalabas ng commitment order ng korte.
Batay sa rekord, inakusahan ng biktima ang tatlo ng panghahalay na naganap umano sa Lungsod ng Caloocan noong Abril 6, 2019.
Kasalukuyang inaalam ang kabuuang detalye kung paano nangyari ang nasabing panghahalay sa lungsod ng Caloocan upang mapaghandaan ang gagawing depensa ng mga akusado.
May pagdududa ang kampo ng nasabing alkalde kung bakit kung kailan malapit na ang halalan ay saka inihain ang nasabing kaso na nangyari noong pang taon 2019.
Ayon sa batas, hangga’t wala pang pinal na hatol para sa akusado ay maaari pa ring ituloy niya ang kayang pagtakbo bilang mayor ng kanyang bayan kagaya ng nangyari kay Jalosjos na kahit nakakulong ay nakuha pa ring ipanalo ang kanyang pagkakongresista. (MARDE INFANTE)
1