POSIBLENG ibalik sa pagtalakay ng Senado ang panukalang P24 bilyong pondo ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa susunod na taon kahit una na itong inaprubahan.
Ito ang binigyang-diin ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa upang matalakay ang usapin kaugnay sa pag-iisyu ng Philippine passports sa mga dayuhan na nagpanggap na mga Pinoy.
Nababahala si dela Rosa na posibleng makaapekto sa national security ang naturang gawain.
“For all we know, paggising natin one day, itong mga kapitbahay pala natin, may passport na ng Pilipino.”
Una nang binawi ng Senado ang plenary approval sa proposed 2024 budget ng Philippine Statistics Authority (PSA) dahil sa alegasyon ng pagpapalabas ng authentic birth certificates sa mga dayuhan na ginagamit sa pagkuha nila ng Philippine passports.
“Pinapa-recall ang budget ng PSA although nakapasa na. Pinabalik niya, pinapasalang niya ulit. Puwede rin nating gawin ‘yan sa DFA kung sakaling hindi tayo satisfied sa gagawin nilang position paper tungkol sa kanilang actions taken,” paliwanag ni dela Rosa.
Una nang kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) na may 10 dayuhan ang naharang sa paggamit ng Philippine passport subalit hindi makapagsalita ng Filipino language
Sinabi ni BI Commissioner Norman Tansingco patuloy pa ang imbestigasyon nila sa usapin.
(DANG SAMSON-GARCIA)
143