“ANG corruption po ay hindi titigil sa ating bansa. Not during our lifetime.”
Ito ang inamin ni Ombudsman Samuel Martires sa pagharap nito sa pagdinig ng House Committee on Appropriations, hinggil sa budget ng kanyang tanggapan sa susunod na taon na nagkakahalaga ng P5.050 billion.
Ayon sa dating Associate Justice ng Korte Suprema, hangga’t hindi binabago ng mga Pilipino ang kanilang sarili at ugali ay hindi malalabanan ang katiwalian sa gobyerno lalo na’t ang anti-corruption laws sa bansa ay post factum o after the fact lamang.
“Kailangan po natin ng isang haligi na mababago po ng ating ugali. We have to introduce, a subject in kindergarten until college on God centered values formation. Kung magtuturo po tayo ng good manners and right conduct (GMRC) na hindi po naka-sentro sa Panginoon walang kuwenta yun,” ani Martires, na isang Katoliko, kung nais aniya ng lahat na matapos ang katiwalian sa gobyerno.
Ginawa ng opisyal ang nasabing pahayag nang tanungin ni OFW Party-list Rep. Marissa Magsino, kung lumalala ang katiwalian sa Bureau of Immigration (BI) na ang mga pangunahing biktima ay Overseas Filipino Workers (OFWs).
Ipinaliwanag ng Ombudsman na sa ngayon ay walang respeto umano sa Diyos at sa sarili ang mga tao, at hangga’t hindi ito nababago ay sinabi nito na “not during our lifetime we’re not able to solved corruption”
“Ang corruption sa Pilipinas ay nagiging endemic, ang corruption sa Pilipinas ay parang naging fashion because of fact that money becomes power and if you have power ay talagang sikat ka,” dagdag pa ni Martires.
Dahil dito, kailangan aniyang magkaroon ng GMRC subject na God centered lalo na’t lumalala ang katiwalian sa gobyerno ngayon kung saan maging ang mga departamento na akala mo aniya ay natutulog ay malala ang katiwalian.
“Tumataas po ang corruption sa bawat ahensya ng gobyerno at magugulat po kayo na this incidents not only in the Bureau of Customs, in the Bureau of Immigration and other department, meron mga department na hindi niyo akalain ay corrupt, akala niyo natutulog pero mas corrupt pala ‘yun sa ibang ahensya ng gobyerno na corrupt,” dagdag pa ni Martires.
Isinisi ito ni Martires sa kawalan aniya ng respeto ng mga tao sa Diyos at sarili, anoman ang relihiyon ng mga ito, at isang patunay dito ang pagsisimba ng mga Katoliko na naka-short o naka-sando lamang.
“We don’t fear hell anymore, wala na pong impiyerno sa iba sa atin, so gumagawa tayo ng krimen sang-ayon po sa ating kagustuhan. So if we are talking about corruption, if we are talking incident of corruption increasing, it is increasing, your Honors,” ayon pa kay Martires.
(BERNARD TAGUINOD)
966