SINAMPAHAN ng disqualification case at vote buying sa tanggapan ng Comelec sa Intramuros, Manila ang tumatakbong Punong Barangay ng Barangay San Bartolome na si Rizza Ramos Pascual at mga tumatakbong Kagawad na sina Dong Pascual, Gabby delos Santos, Roberto Cayanan, Jeffrey Cypress, Glenn Dela Cruz, at Angel Jun Perez.
Sa sinumpaang salaysay ni Marilen Capiral, naghain ang mga nasabing kandidato ng kanilang certificate of candidacy noong September 2, 2023 para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Election.
Subalit noong September 9, 2023 ay nakunan pa raw nila ng litrato ang mga poster at campaign paraphernalias ng Team Pascual sa iba’t ibang lugar sa Barangay San Bartolome.
Isa pa raw sa kanyang naging basehan ng pagsasampa ng reklamo sa Comelec laban sa grupo ni Pascual ang pamamahagi umano ng mga ito ng pera sa isang pagtitipon sa covered court sa Barangay San Bartolome.
Nakuhanan din umano ng video si Rizza na hawak ang isang bungkos na tiglilimang daang piso at ang pamimigay niya ng P500.00 sa mga dumalo sa pagtitipon.
Bago matapos ang pagtitipon ay isa-isa ring nagsalita ang mga tumatakbong Kagawad upang magbigay ng mensahe sa mga residente na dumalo sa raffle bonanza na animo’y nangangampanya.
Pagkatapos umano magsalita ng mga tumatakbong kagawad ay sunod naman na tinawag si Rizza. Sinabi umano nito na iyon ang huling premature campaign na kanilang gagawin.
Nag-post din umano si Rizza sa social media na animo’y nangangampanya kahit na ipinag-utos ng Comelec na bawal ang anomang activity sa lahat ng social media page, at personal account ng mga kandidato hanggat hindi pa sumasapit ang campaign period.
Kapag napatunayan ng Comelec na lumabag ang mga nabanggit sa itinatadhana ng batas ay maaari silang madisqualify.
(PAOLO SANTOS)
414