Gagamitin sa RP-US Bilateral war exercise MARINE TANKER TINULAK NI ‘DODONG’ SA DALAMPASIGAN

ISANG marine tanker na gagamitin sana sa ginaganap na RP-US bilateral war exercise, ang sumadsad sa may dalampasigan ng Bataan sanhi ng malalaking alon at malakas na hangin dulot ng Bagyong Dodong.

Ayon sa inisyal na ulat kahapon, dahil sa sama ng panahon sumadsad sa baybayin ng Morong, Bataan ang isang malaking barko matapos hampasin ng malalaking alon.

Base sa paunang ulat na ibinahagi ng Philippine Coast Guard (PCG), bandang alas-8:00 ng umaga nang namataan ng mga residente sa Sitio Crossing, Brgy. Poblacion ang pagsadsad ng MT Lake Caliraya.

Ayon kay PCG Spokesperson Rear Admiral Armando Balilo, gagamitin sana ng US at Philippine Marines ang nasabing barko para sa kanilang bilateral exercises.

Ang nasabing barko na gawa ng China, ay dating MT Jose Rizal mula sa Philippine National Oil Company at ibinigay sa Philippine Navy noong 2014, kinomisyon noong 2015 at na-decommission noong 2020 dahil sa mga problemang mekanikal at idineklarang Beyond Economic Repair.

Sinasabing gagamitin ito sa Marine Aviation Support Activity 2023 exercise sa pagitan ng Philippine at US Marine units. At kasama sa highlight sa gaganaping Sinking Exercise (SINKEX) ang decommissioned Philippine Navy tanker, ang dating BRP Lake Caliraya (AO-81) na gagamitin bilang target.

Inaasahang gagamitin ng Philippine Marines, na walang sariling air asset, ang 155mm artillery nito para subukan at sirain ang decommissioned tanker.

Ayon sa PCG, Patungo sana ng Subic, Zambales ang nasabing barko ngunit dahil sa lakas ng hampas ng malalaking alon ay inanod ito sa dalampasigan ng Morong at tuluyang sumadsad.

Nakikipag-ugnayan na ang PCG Bataan sa isang kompanya na may tug boat para hilahin ang sumadsad na barko.

Pansamantalang sinuspinde ng Philippine Coast Guard (PCG) ang mga biyahe ng maliliit na sasakyang pandagat sa Northern Palawan dahil sa nagpapatuloy na sama ng panahon.

Ang malalaking sasakyang pandagat ay pinapayuhan na maging alerto sa paglalayag bunsod ng malalaking alon.

Nabatid na may ilang lugar sa Northern Palawan ang kasalukuyang binabaha dahil sa malakas na ulan na nararanasan kung saan nagkaroon ng mga paglikas ng mga residente sa mga ligtas na lugar.

(JESSE KABEL RUIZ)

183

Related posts

Leave a Comment