DAVAO CITY – Wala nang buhay nang matagpuan sa kanyang bahay ang isang ginang na hinihinalang pinagnakawan bago pinaslang ng hindi kilalang mga suspek sa Davao City noong Biyernes ng hapon.
Kinilala ng Davao City Police ang biktimang si Lilian Del Campo Nieva, 57, residente ng Deca Homes, Barangay Bago Gallera – Talomo.
Ayon sa Davao City Police Office, may mga tama ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima.
Ang kapatid na lalaki ng biktima ang nakatuklas sa krimen nang puntahan nito ang ginang makaraang hindi makontak sa cellphone.
Winasak pa ng kapatid ang pinto ng bahay para makapasok ito at doon tumambad ang wala nang buhay na biktima na duguang nakahandusay sa kanyang higaan.
Nabatid sa imbestigasyon, natuklasanng nawawala ang personal na mga gamit ng biktima at pati ang mga alahas at ang cellphone nito.
(NILOU DEL CARMEN)
