ISINAGAWA kahapon ang joint send-off ceremony para sa government security forces na ide-deploy sa iba’t ibang lugar kaugnay sa gaganaping Barangay at Sangguniang Kabataan Election sa October 30.
Sinasabing kabilang sa send-off na ginanap sa Camp Crame, ang 715 Philippine National Police (PNP) contingents na ipadadala sa mga lugar na tinututukan ng mga awtoridad o mga nasa ilalim ng red category.
Bukod pa rito ang 250 Armed Forces of the Philippines (AFP) contingents na ide-deploy, 100 Philippine Coast Guard (PCG) contingent at 90 Department of Education participants o kabuuang 1,155 personnel.
Bukod sa mga tauhan, itu-turn over din ang iba’t ibang kagamitan at mga sasakyan na gagamitin para sa October 30, 2023 election.
Dumalo sa nasabing aktibidad sina PNP Chief P/Gen. Benjamin Acorda Jr., Comelec Chair George Erwin Garcia, Gen. Charlton Sean Gaerlan, AFP deputy chief of staff, PCG Deputy Commandant Vice Admiral Rolando Punzalan, Education Usec. Atty. Revsee Escobedo na kinatawan ni VP at Educ. Sec. Sara Duterte Carpio.
Nabatid na mula noong Oktubre 20, may naitala nang 97 na recorded election-related incident ang PNP.
Pero ayon kay Fajardo, labing-walo lamang dito ang validated na election-related incident. Non-election-related ang 66 na naitala.
May natitira pang 13 suspected na kasalukuyan pang iniimbestigahan.
Sa 18 validated election-related incident, 12 dito ay shooting incident, dalawa ang kidnapping, isa ang grave threat, isang indiscriminate firing, isang violation of gun ban at isa ang namatay sa isang police operation na nagresulta sa armed encounter, ayon kay Fajardo.
“Kaya hindi po natin binababa ang ating guard sa ngayon at patuloy tayong nagbabantay para kahit papaano ay hindi na po masusundan itong mga insidenteng ito,” dagdag pa ni Fajardo.
Sa buong bansa, magtatalaga ang PNP ng 187,600 na pulis bukod pa sa pwersa ng Armed Forces of the Philippines.
Nasa walong daang PNP personnel naman ang itinalaga bilang augmentation team sa Bangsamoro Autonomous Region. mahigit 70 percent ng area na nasa red category ay nasa BARMM.
(JESSE KABEL RUIZ)
145