KASO VS DU30, DELA ROSA, GO, BAHALA NA DOJ

IPINAUBAYA na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Department of Justice (DOJ) ang masusing pagsusuri sa rekomendasyon ng House Quad Committee na sampahan ng reklamo o kaso si dating pangulong Rodrigo Duterte at iba pa ukol sa ‘war on drugs’ ng dating administrasyon.

Inirekomenda kasi ng Quad Comm ang pagsasampa ng reklamo laban kina Digong Duterte, Senador Ronald Bato dela Rosa at Senador Bong Go para sa di umano’y paglabag sa Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide and Other Crimes Against Humanity.

“The DOJ will look at it and see if there are— if it is time to file cases, what cases to file, how to produce the evidence, and we will need to actually build the case up,”ang sinabi ni Pangulong Marcos sa isang ambush interview.

Sa kabilang dako, bukod kina Digong, Dela Rosa at Go, inirekomenda rin ng House Quad committee ang pagsasampa ng kasong “crimes against humanity” laban kina dating PNP Chiefs ret. Oscar Albayalde at ret. Gen. Debold Sinas; dating P/Colonels Royina Garma at Edilberto Leonardo at dating Palace aide na si Herminia “Muking” Espino.

Si Garma, dating PCSO manager, ang nagbulgar sa Quad comm, ng Davao model o reward sa mga opisyal at tauhan ng pulisya na makakapatay ng drug personalities, pag-iral ng Davao Death Squad, at pagpatay sa tatlong Chinese drug lords sa loob ng Davao Penal Colony.

Ang rekomendasyon ay nakapaloob sa 43 pahinang Quadcom progress report matapos ang 13 pagdinig mula Agosto 16 hanggang Disyembre 12, 2024 kung saan iprinisinta ang mga nadiskubre, nakalap na ebidensya, naging reaksyon at rekomendasyon sa paggawa ng panukalang batas hinggil sa EJK, illegal na droga gayundin ang ilegal na operasyon ng POGOs.

Sinabi ni Quad Comm chair Rep. Robert Barbers, nang dumalo si dating Pangulong Duterte sa pagdinig noong Nobyembre 13, kinumpirma nito ang Davao Death Squad, ang Davao template o model sa reward system sa mga police officers na masasangkot sa EJK na pinayuhan ang mga pulis na pilitin ang mga drug personalities na manlaban habang inako rin nito ang buong responsibilidad sa bloody drug war.

Samantala, sa hiwalay na panayam, sinabi ni Justice Undersecretary Raul Vasquez na wala pang natatanggap na rekomendasyon ang DoJ. (BERNARD TAGUINOD)

3

Related posts

Leave a Comment