MAKARAAN ang 28 taong pagtatago sa batas, natimbog ng mga awtoridad sa lalawigan ng Rizal ang isang dating pulis na wanted sa kasong pagpatay sa isang sundalo sa lalawigan ng Quezon.
Ayon sa report ng Police Regional Office 4A (PRO 4A) Calabarzon, naaresto noong Martes ng umaga ng mga tauhan ng PNP Intelligence Group sa Brgy. San Andres, Cainta, Rizal ang suspek na si Joel Consuelo Villanueva sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Branch 56 ng Regional Trial Court (RTC) ng Lucena City, para sa kasong homicide.
Batay sa record, nangyari ang krimen ni Villanueva noong 1990s, habang nakatalaga siya sa 237th Philippine Constabulary Company sa Candelaria, Quezon.
Na-convict ito sa kasong homicide noong 1991 dahil sa pagpatay sa isang opisyal ng Armed Forces of the Philippines. Na-dismiss ito sa serbisyo noong 1995.
Ngunit ayon pa sa pulisya, nakatakas ito noong 1995 at nahuli noong 1996.
Pero muli itong nakatakas habang nagpapagamot sa Orthopedic Hospital sa Quezon City at nagtago mula noon.
(NILOU DEL CARMEN)
