LALAKI TINUSOK SA ULO NG MANUGANG

CAVITE – Inoobserbahan sa ospital ang isang 43-anyos na lalaki makaraang tarakan sa ulo ng kanyang manugang na nagalit nang sunduin ng biktima ang kanyang anak na kinakasama ng suspek, para iuwi sa kanilang bahay, sa Imus City, noong Huwebes ng gabi.

Nakaratay sa ospital ng Imus ang biktimang si Jonathan De Vera y Yumang, vendor, ng Carsadang Bago 2, Imus City, dahil saksak sa ulo mula sa kinakasama ng kanyang anak na si Teofilo Wilmer Corro y Fernandez, 32, ng Brgy. Bucandala 3, Imus City, Cavite.

Napag-alaman, nag-text ang anak ng biktima na si Fatima De Vera at nagpapasundo dahil sinasaktan siya ng suspek na kanyang live-in partner.

Nagtungo naman ang biktima sa bahay ng suspek sa Brgy. Bucandala 3, Imus City dakong alas-4:00 ng hapon. Ngunit pagdating sa lugar ay tumanggi ang suspek na pauwiin ang kanyang kinakasama na sinusundo ng ama nito.

Nagpumilit ang biktima na kunin ang kanyang anak na ikinagalit ng suspek na kumuha ng kutsilyo at itinarak sa ulo ng biyenan.

Isinugod sa ospital ang biktima habang dinakip ng mga awtoridad ang suspek na nasa kustodiya na ng Police Community Precinct 4 ng Imus City Police.

(SIGFRED ADSUARA)

303

Related posts

Leave a Comment