HINIKAYAT ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Philippine National Police (PNP) na manatiling bigilante sa gitna ng lahat ng mga hamon at oportunidad habang ang bansa ay sumusulong para sa isang mapayapa at ligtas na “Bagong Pilipinas.”
“Let us remain vigilant in the face of challenges and opportunities, as we strive to build a Bagong Pilipinas where everyone can thrive and live in peace,” ayon kay Pangulong Marcos sa kanyang naging talumpati sa isinagawang change of command ceremony at retirement honors para kay Police General Benjamin Acorda Jr.
Nagtapos ang termino ni Acorda bilang PNP Chief, noong Linggo, Marso 31, dahilan upang kagyat na italaga ni Marcos si Police Lt. General Emmanuel Baloloy Peralta bilang officer-in-charge ng national police force.
Si Police Major General Rommel Francisco Marbil, 55, ay pormal namang itinalaga kahapon bilang kapalit ni Acorda.
Sa talumpati pa rin ng Punong Ehekutibo, kinilala at binati nito ang pagsisikap, pagiging makabayan at hindi matatawarang dedikasyon ni Acorda para tiyakin ang kaligtasan at seguridad ng mamamayang Pilipino sa pamamagitan ng kanyang “Five-Focused Agenda.”
Winika pa ni Pangulong Marcos na ang “Five-Focused Agenda” ni Acorda ay gabay ng PNP tungo sa mas tapat na law enforcement operations, pinalakas na information technology capabilities, at mas malakas na community relations.
Tinukoy ni Pangulong Marcos ang isinagawang OCTA Research survey na isinagawa noong nakaraang taon, kinilala ang PNP bilang “3rd Highest Performing and Most Trusted” sa hanay ng 25 ahensya ng pamahalaan sa second quarter ng 2023 na may 76% trust rating.
Sa nasabi pa ring event, winelcome at binati ni Pangulong Marcos si Marbil. Tiniyak nito kay Marbil ang kanyang “full support” para mapagtagumpayan ang police force na isang pro-God, pro-country, pro-people, at pro-environment.
(CHRISTIAN DALE)
198