MAGKAPATID NASABUGAN SA ILLEGAL FISHING

QUEZON – Malubhang nasugatan ang magkapatid na mangingisda matapos na masabugan ng improvised dynamite na kanilang ginagamit sa pangingisda sa bayan ng Polillo sa lalawigang ito, noong Miyerkoles ng hapon.

Kinilala ang mga biktimang sina Edil Boragay San Jose, 34, at Gilbert Boragay San Jose, 41, kapwa residente ng Brgy. Languyin, Polillo.

Ayon sa report ng pulisya, dakong alas-2:30 ng hapon, nangingisda ang dalawa sa karagatan ng nasabing barangay gamit ang improvised dynamite na gawa sa ammonium nitrate o mas kilala sa tawag na “bigas-bigas”, nang aksidenteng sumabog ito bago pa man maihagis ng magkapatid.

Lumabas sa imbestigasyon ni PSMS Kendrick Rey Pumarada, hindi agad naihagis ni Gilbert ang nasindihan nang pampasabog nang bigla umanong mawala o lumubog ang mga isdang papuputukan sana nito.

Akmang aagawin ni Edil ang dinamita upang itapon nang abutan na sila ng pagsabog.

Bukod sa nadurog na mga daliri at kamay, nasugatan ang iba’t ibang bahagi ng katawan ng mga biktima.

Isinugod ang mga ito ng sumaklolong mga mangingisda sa ospital sa Polillo subalit inilipat sa Philippine Orthopedic Center sa Quezon City dahil sa grabeng pinsala sa katawan.

(NILOU DEL CARMEN)

191

Related posts

Leave a Comment