DAHIL wala pang natatanggap na impormasyon ang Kamara hinggil sa katauhan ng isang “Mary Grace Piattos” sa kabila ng isang milyong pisong pabuya, pinakilos na ang mga law enforcement agencies para mahanap ito.
Bukod sa National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP), inatasan din ng House committee on good government and public accountability na tumulong sa paghahanap kay Mary Grace Piattos.
Ginawa ang kautusan kasunod ng mosyon ni House Assistant Majority Leader Jil Bongalon dahil matapos ang ilang araw mula ng inaanusyo ang P1 million reward sa makakapagturo kay Mary Grace Piattos ay wala pa ring nagbibigay ng impormasyon.
Maging ang isang nagngangalang “Kokoy Villamin” na tulad ni Mary Grace Piattos na recipient umano ng confidential funds at lumagda sa acknowledgment receipts (ARs) hindi lamang sa OVP kundi maging ng Department of Education (DepEd) noong panahong pinamumunuan ito ni Vice President Sara Duterte ay pinabeberipika din sa mga nabanggit na mga ahensya ng gobyerno.
Iginiit ng mambabatas na kailangang malaman kung totoo o hindi ang mga nabanggit na recipient o tumanggap ng confidential funds dahil pera umano ang bayan ang pinag-uusapan dito.
“I would like to move also that the [ARs] be referred to the [NBI] and the [PNP] for them to assist us in conducting a handwriting or signature examination to verify whether the recipients of these confidential funds are real or not, with Ms. Mary Grace Piattos as the first priority,” dagdag pa ng mambabatas.
Natuklasan din sa pagdinig na may mga ARs na nagkakahalaga ng P26.32 million ang nilagdaan ng mga recipient kahit wala pang ibinibigay na confidential funds sa OVP noong 2022. (BERNARD TAGUINOD)
4