MAS MABIGAT NA PARUSA LABAN SA GAME FIXING, ISINUSULONG SA SENADO

ISINUSULONG ni Senador Jinggoy Estrada ang panukala para sa mas mabigat na parusa, kabilang ang habambuhay na pagkakakulong at malalaking multa, ang mga indibidwal na mapapatunayang sangkot sa game-fixing sa mga propesyunal o amateur sporting event sa bansa.

Sa kanyang Senate Bill No. 1641 o ang panukalang Anti Game-Fixing Act, layun ni Estrada na palawakin ang sakop ng game-fixing at maisama ang point-shaving, game manipulations o anumang kasunduan, aregluhan, kilos o hakbang na ang layon ay maapektuhan ang resulta ng isang laro para sa pagsusugal, pusta o pandaraya sa publiko.

Sa ilalim ng panukala, hindi kinakailangan ang aktwal na pagpapalitan ng pera o mahahalagang bagay para maituring na may naganap na krimen na game-fixing.

Sa halip, ito ay ituturing na prima facie evidence ng pagkakasala.

Ang mga lalabag ay maaaring makulong ng mula tatlo hanggang 12 taon at pagmultahin ng P1 milyon hanggang P5 milyon, depende sa desisyon ng korte.

Habambuhay na pagkakakulong o multang mula P10 milyon hanggang P50 milyon o pareho ang ipapataw kung ang nagkasala ay bahagi ng isang sindikato.

Kung ang nagkasala ay isang estudyante na menor de edad, ang kanyang pananagutan ay hanggang sa mga administratibong o disiplinaryong aksyon ng paaralan o institusyon.

(Dang Samson-Garcia)

54

Related posts

Leave a Comment