NANAWAGAN sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang ilang motorcycle taxi riders na kamakailan ay tinanggal mula sa Angkas dahil hindi sila naka-professional na lisensya.
Ayon sa mga inalis na rider, tinanggal sila isang araw matapos ang pagdinig sa Senado kung saan ipinahayag ni Senador Raffy Tulfo at ng ilang mambabatas ang kanilang pangamba na may mga driver na walang professional license na nakakapag-operate sa ilalim ng Angkas.
Ibinahagi ni Achillis Librinca, isa sa mga natanggal na rider, ang kanyang karanasan. Aniya, tinanggap ng Angkas ang kanyang non-professional license noong onboarding process.
“Sampung buwan na ko sa Angkas as MC Taxi driver. Nung pumasok ako, sinabi nila na tutulungan nila akong makapagpalit sa professional license. Pero lumipas ang mga buwan, wala akong narinig mula sa kanila kaya akala ko ayos na,” ani Librinca.
Nabigla raw sila nang bigla siyang ma-deactivate noong nakaraang linggo, kasabay ng mahigit 100 pang driver sa kanilang lugar.
“Wala kaming natanggap na text o tawag. Isang araw matapos ang Senate hearing, nalaman ko lang mula sa kaibigan ko na na-deactivate kami. Nang tingnan ko, totoo nga,” dagdag niya.
Ayon kay Librinca, bagama’t ipinapakita ng Angkas sa publiko na sumusunod sila sa mga patakaran ng LTFRB, kulang ang kanilang proseso sa transparency at tamang gabay sa pag-upgrade ng lisensya.
“Tinawagan ko pa ang support team nila para itanong kung paano mag-upgrade ng lisensya,” ani Librinca. “Pero malabo ang sagot nila at hindi nakakatulong. Tatawag sila kapag magdeduct para sa uniform, pero kapag tungkol sa lisensya, tahimik sila.”
Sa ilalim ng pilot program ng LTFRB para sa mga motorcycle taxi, kinakailangang magkaroon ng professional driver’s license ang mga rider upang masiguro ang kaligtasan at pagsunod sa public transport standards.
Alam umano ng mga rider ang requirement na ito nang sumali sila ngunit iginiit nilang hindi tinupad ng Angkas ang pangako nitong pagtulong sa proseso ng professionalization.
Bukod sa kanilang hiling na maibalik sa trabaho, nananawagan din ang mga inalis na driver sa LTFRB na papanagutin ang mga motorcycle taxi company sa tamang pag-orient sa mga driver.
Wala pang pahayag ang LTFRB ukol sa isyung ito, ngunit umaasa ang mga driver na paiimbestigahan ng ahensya ang kanilang hinaing at sisiguruhin na maging transparent ang proseso ng compliance ng mga kumpanya. (DANNY BACOLOD)
12