Matapos makipag-away sa ka-live-in GINANG NATAGPUANG PATAY

QUEZON – Humihingi ng malalimang imbestigasyon ang ina ng isang ginang na natagpuang walang buhay sa kanilang bahay sa Sitio Ilaya, Brgy. Abang, sa bayan ng Lucban sa lalawigan noong Huwebes ng umaga.

Ayon sa report ng Lucban Police, dakong alas-6:00 ng umaga, ipagbigay-alam sa pulisya ng live-in partner ng ginang na si Yveth Sales, 35-anyos, ang pagkamatay nito.

Ayon sa pahayag ng ka-live-in na si Alex Ubaña, nagisnan na lamang niya na patay na ang biktima habang nakahiga sa kuwarto.

Sa paunang pagsisiyasat ng Municipal Health Officer ng Rural Health Unit ng Lucban LGU, sinasabing natural death ang pagpanaw ng babae matapos na walang makitang anomang sugat o external damage sa katawan nito.

Subalit hindi kumbinsido ang ina ng biktima at naniniwalang may foul play sa pagkamatay ng anak lalo na’t nagkaroon umano ng pag-aaway ang magka-live-in noong gabi ng Miyerkoles bago natagpuang patay ang biktima noong Huwebes ng umaga.

Hiniling ng ina na masuring muli ng SOCO team at ng Medical Officer mula sa Regional Forensic Unit ang biktima upang malaman kung ano ang totoong ikinamatay ng anak.

(NILOU DEL CARMEN)

43

Related posts

Leave a Comment