MAGDARAOS ng mock polls ang Commission on Elections sa Disyembre para sa tinatayang mahigit isang milyong botante sa abroad para sa May 2025 midterm election.
Ito ang inihayag ng COMELEC matapos ang ginanap na field tests sa iba’t ibang lugar sa United States para sa postal, online at internet voting na unang ipakikilala sa May 2025 national and local elections.
Kasabay nito, tiniyak ng Comelec na magpapatupad sila ng security measures upang maharang ang posibleng hacking attempts sa gagamiting sistema.
Ayon sa paliwanag ni Commissioner Ernesto Ferdinand Maceda Jr., ang mga lokal na eksperto at citizens arms, tulad ng National Citizens’ Movement for Free Elections (NAMFREL), Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) at Legal Network for Truthful Elections (LENTE), naman ang mangangasiwa sa local source code review.
Tinatayang gagastusan ng COMELEC ng P112 milyon ang gagamiting sistema para sa milyon-milyong registered Filipino voters sa ibang mga bansa.
Nabatid na inaasahan ng Comelec na mahigit isang milyong botante lamang ang lalahok sa pamamagitan ng online voting.
Simula Abril 13, 2025, ang mga botante sa ibang bansa ay maaaring bumoto online gamit ang electronic devices tulad ng mga mobile phone at laptop hanggang sa mismong araw ng halalan sa Pilipinas. (JESSE KABEL RUIZ)
6