NBI pasok din sa imbestigasyon COMPOSITE SKETCH NG JUMALON SUSPECT, INILABAS NG PNP

KASUNOD ng utos ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. na tutukan at resolbahin sa lalong madaling panahon ang kaso ng pagpatay kay radio broadcaster Juan Jumalon alyas “Johnny Walker” sa Calamba, Misamis Occidental, nagpalabas na ang Philippine National police ng composite sketch ng isa sa mga suspek sa pamamaslang.

Kinumpirma ni PNP chief General Benjamin Acorda Jr., may inilabas nang computerized sketch ang binuong Special Investigation task Group na siyang tumututok sa kaso ng pinaslang na radio broadcaster.

“May (sketch na ng suspek). They (SITG) were able to review all the CCTVs. May mga nakuha tayong mga escape vehicles. May mga nabanggit na mga motibo for the sake of the conduct of the investigation we don’t want speculation kasi baka ma pre-empt ‘yung investigation. May mga anggulong sinusundan but I am not at liberty to divulge the motivation o theory na sinusundan natin.

‘Yung isang anggulo konektado sa trabaho, ‘yung isa medyo personal.”

Ito ang update na inilabas ng PNP hinggil sa kaso ni Jumalon na binaril habang naka-ere para sa kanyang regular radio broadcast sa 94.7 Gold FM.

Ayon kay General Acorda, ang nasabing suspek ay nagsilbing lookout habang isinasagawa ng gunman ang paglikida.

Lumilitaw sa mga pagsisiyasat na base sa nakalap na impormasyon mula sa CCTVs, lumalabas umanong dalawa ang nakitang suspek subalit hindi pa ito ganap na kinukumpirma dahil kasalukuyang pang pinagsasama-sama ang nakalap na mga ebidensya.

Bukod sa ginagawang pagsisiyasat ng binuong SITG na pinangungunahan ng Deputy Regional Director of Police Regional Office 10, pumasok na rin ang National bureau of Investigation sa panibagong kaso ng pagpatay sa isang mamamahayag.

Maging ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ay kinondena ang pamamaril at pagpatay sa nabangit na local radio broadcaster.

Ayon kay Interior Secretary Benhur Abalos, walang puwang sa isang demokratikong lipunan ang ganitong brutal na pagpatay. Isa umanong direktang pag-atake sa kalayaan sa pamamahayag ang nangyaring pagpatay kay Jumalon.

Naniniwala ang kalihim na mapabibilis ang pagresolba sa kaso matapos na maglabas ng computerized facial sketch ng isa sa mga suspek habang sinusuri na rin ng PNP Regional Anti-Cybercrime Unit ang CCTV footages na narekober.

Umaasa ang kalihim na magkakaroon na ng resulta sa lalong madaling panahon ang isinasagawang mga imbestigasyon.

(JESSE KABEL RUIZ)

255

Related posts

Leave a Comment