OIC BRGY. CHAIRMAN PATAY SA PAMAMARIL SA LAGUNA

LAGUNA – Hindi umabot nang buhay sa ospital ang isang OIC barangay chairman makaraang pagbabarilin ng riding in tandem habang nagkakape sa terrace ng kanyang bahay sa Asia 2 Subdivision, Brgy. Canlubang, Calamba City nitong Biyernes ng umaga.

Kinilala ang biktimang si Mario Jun Castillo Cogay Jr., 65-anyos.

Ayon sa report ng Calamba City Police, dakong alas-5:30 ng umaga nang biglang dumating ang mga suspek na sakay ng motorsiklo at huminto sa gate ng bahay.

Ilang beses na binaril ng mga ito ang kapitan at saka mabilis na tumakas.

Isinugod ang biktima sa Global Hospital of Canlubang subalit idineklarang dead on arrival ng doktor.

Hindi naman namukhaan ang mga suspek dahil parehong nakasuot ng full face helmet.

Nangangalap pa ang mga awtoridad ng kuha ng CCTV at patuloy ang imbestigasyon para matukoy kung sino ang mga suspek.

Wala pa ring masabing motibo ang mga kapamilya sa pagpaslang sa kanilang mahal sa buhay.

Napag-alaman na kakaupo pa lang na barangay chairman ng biktima na siya nahalal na number 1 kagawad, matapos na mapatalsik sa puwesto ang nanalong kapitan noong nakaraang halalan.

Kinondena naman ng Sangguniang Barangay ng Canlubang ang pamamaslang sa kanilang kapitan.

(NILOU DEL CARMEN)

 

86

Related posts

Leave a Comment