P1 MILLION INILAAN PARA MAHANAP SI ‘MARY GRACE PIATTOS’

MAY naghihintay na isang milyong piso (P1 million) pabuya sa mga makapagtuturo kung sino at saan matatagpuan ang isang “Mary Grace Piattos” na pumirma ng acknowledgement receipts sa confidential funds ng Office of the Vice President (OVP).

Ito ang kinumpirma nina Zambales Rep. Jay Khonghun at La Union Rep. Paolo Ortega sa press conference kahapon dahil hanggang sa kasalukuyan ay hindi umano matagpuan si Mary Grace Piattos.

“Nag-usap-usap kami, boluntaryo na magbibigay kami ng pabuya na one million pesos kung sino mang makapagsasabi o makapagbibigay ng impormasyon kung sino si Mary Grace Piattos. Kami sa komite ng blue ribbon at sa Quad Committee nagboluntaryo kami na magproduce ng one million (pesos),” ani Khonghun.

Sa report ng Commission on Audit (COA) sa House committee on good government and public accountability o House blue ribbon committee, kabilang ang isang “Mary Grace Piattos” sa mga lumagda sa mga resibo sa ginastos na confidential fund ng OVP.

“Napakaimportante kasing maipakita namin kung sino ba talaga ang mga taong tumanggap ng pera galing sa confidential funds ng OVP. Kasi sinasabi ni VP Sara peke daw ang mga receipts na ipinakita sa mga hearing etong mga acknowledgement receipt na ito ay galing sa COA at sinabi ng COA ay eto yung mga ipinasa ng OVP,” ani Khonghun.

Dahil dito, kailangan aniyang mapaharap ng mga ito sa kanilang imbestigasyon si Mary Grace Piattos kaya naglaan na ang mga ito ng pabuya upang makatulong para mahanap ito sa lalong madaling panahon.

Samantala, sinabi naman ni Ortega na patuloy na padadalhan ng mga ito ng imbitasyon si Duterte upang humarap sa imbestigasyon at personal na ipaliwanag kung papaano nito nagamit ang kanyang confidential funds.

Ginawa ni Ortega ang pahayag matapos sabihin ni Duterte na hindi pa rin ito dadalo sa imbestigasyon sa November 20, kahit tinanggap nito ang imbestigasyon na iniabot sa kanya noong nakaraang linggo nang dumalo ito sa Quad Comm hearing para suportahan ang kanyang amang si dating pangulong Rodrigo Duterte. (BERNARD TAGUINOD)

60

Related posts

Leave a Comment