P12-B PONDO NG COMELEC INTACT PA RIN

NANANATILING hindi pa nagagalaw ng Commission on Elections (Comelec) ang P12 biyong pondo na inilaan para sa plebisito at referendum na isiningit sa Bicameral Conference Committee meeting sa noo’y 2024 General Appropriations Bill (GAB).

Ito ang inihayag ni Comelec Chairman George Garcia sa Senate hearing sa gitna ng pagsusulong na magsagawa ng plebisito upang pagtibayin ang panukalang pag-amyenda sa Konstitusyon, at isabay ito 2025 midterm elections.

Ayon kay Garcia, ang komisyon ay nakatakdang magsimulang mag-imprenta ng mga balota sa ikalawang linggo ng Enero 2025.

Aniya, plano nilang maglagay ng hindi bababa sa tatlong tanong sa plebisito, na masasagot ng “oo” o “hindi” sa harap na bahagi ng balota bago ang mga pangalan ng mga kandidato sa pagkasenador.

Ito ang ibinunyag ni Garcia sa pagdinig ng Senate Committee on Electoral Reforms and People’s Participation, habang muling kinuwestiyon ni Senator Imee Marcos ang biglaang pagsasama ng P12 bilyon sa pinal na bersyon ng 2024 national budget.

“Wala pa po kaming nagagamit sa P12 billion,” sabi ni Garcia.

Ginawa ni Garcia ang pahayag habang nagbabala si Marcos na ang Comelec ay maaaring makagawa ng ‘malversation of funds’ kung ang P12 bilyon ay gagamitin para sa paghahanda sa halalan kapag ang pondo ay inilaan para sa pagsasagawa at pangangasiwa ng mga halalan, referenda, recall votes at mga plebisito.

Sinabi ni Garcia, gagamitin ang P1 bilyon sa pondo para dagdagan ang P400 milyong budget para sa pagbili ng transmission services, overtime pay para sa mga empleyado ng Comelec na magtatrabaho sa eleksyon at pagkatapos ng halalan, sa information campaign at para sa paggamit ng mga bagong makina para sa 2025 elections.

Ayon pa kay Garcia, nasa P6 hanggang P8 bilyon ng P12 bilyon ang gagamitin para sa layuning ito.

Idedeklara naman bilang savings ang sobra mula sa nasabing halaga.

Dagdag pa ni Garcia, magagamit ang savings sa pagtatayo ng local offices.

(JOCELYN DOMENDEN)

37

Related posts

Leave a Comment