TINATAYANG P30 million ang halaga ng smuggled cigarettes na nakumpiska ng mga tauhan ng Philippine Navy nang masabat ang dalawang watercraft sa dagat sakop ng Digos City, Davao del Sur.
Ayon sa ulat na ipinarating sa tanggapan ni Navy Flag Officer in Command, Vice Admiral Toribio Adaci Jr., tinukoy ang dalawang sea vessel na M/L Er-Far at M/B Qaireen na pinigil ng Phil. Navy BRP Herminigildo Yurong (PG906), na nasa ilalim ng operation control ng Naval Task Force 71 ng Naval Forces Eastern Mindanao.
Ang dalawang watercraft ay may lulang smuggled cigarettes na tinatayang may street value na aabot sa PP30,000,000.
Nabatid na bandang alas-8:00 gabi nang namataan ang M/L Er-R-FAR na naka angkorahe, 1,000 yarda mula sa Digos Point at naglilipat ng mga kahon ng smuggled cigarettes sa isang unmarked banca.
Agad nagresponde ang PG906 sa area para siyasatin ang insidente at sa pagrerekisa sa watercraft na may pitong crew, isang porter, nadiskubre ang tinatayang 1, 000 master cases ng smuggled cigarettes ang karga nito.
Habang iniinspeksyon ng PG906 ang M/L Er-Far ay namataan ang isa pang watercraft na nagsasagawa rin ng pagdidiskarga ng kahina-hinalang mga kontrabando sa dalampasigan ng Punta Biao, Digos City, Davao del Sur.
At nang sampahin ng mga tauhan ng Phil. Navy ay nadiskubre ang 800 master cases ng smuggled cigarettes.
Parehong walang maipakitang dokumento o permit ang dalawang sea vessel.
Inayudahan ng NAVSOU7 ang mga kasamahan sa PG906 sa paghatak sa nahuling dalawang bankang de motor sa Feranil Pier, Naval Station Felix Apolinario, Panacan, Davao City.
Pagsapit sa NSFA, agad isinailalim ang pitong tripulante sa medical assessment sa Camp Panacan Hospital. (JESSE KABEL RUIZ)
8