DAHIL hindi libre sa inflation ang mahigit walong daang libong public school teachers, isang panukalang batas ang inihain sa Mababang Kapulungan ng Kongreso para gawing P50,000 ang entry salary ng mga ito.
Sa House Bill (HB) 9920 na inakda ni ACT party-list Rep. France Castro, panahon na aniya para bigyan ng disenteng sahod ang mga pampublikong guro na isa sa mga propesyonal sa gobyerno na napag-iiwanan sa sahod.
Ayon sa mambabatas, ang kasalukuyang entry salary ng Teacher 1 ay mahigit P22,000 lamang habang ang Teacher III ay P33.570 kada buwan o katumbas ng P1,119 kada raw subalit nauupos ang halaga nito dahil sa inflation rate.
Malayong-malayo aniya ito sa top officials kasama na ang gabinete, congressmen, senador, pangulo at pangalawang pangulo at mga miyembro ng Hudikatura na sumasahod ng P5,000 hanggang P7,762 kada araw.
Nais ni Castro na maihiwalay sa Salary Standardization Law (SSL) ang sahod ng public school teachers dahil lagi na lamang umanong binibigyan ng kapiranggot na umento ang mga ito.
Inihalimbawa ng mambabatas ang kaso ng SSL 5 kung saan P6,000 lamang ang ibinigay na umento na hinati-hati pa sa loob ng apat na taon o P1,500 lamang kada taon.
(BERNARD TAGUINOD)
327