SA halip maging daan para makamit ang inaasam-asam na pag-unlad, mistulang lalo pang inilayo ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang bansa sa pangarap na ito ng sambayanang Pilipino sa inaprubahang P6.352 trilyon na pambansang pondo sa 2025.
Ganito inilarawan ni Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel ang pambansang pondo na agad na niratipikahan noong Miyerkoles ng gabi, ilang oras matapos itong aprubahan sa bicameral conference committee at pirma na lamang ni Marcos ang kailangan para maging batas.
“Tayo ay tumututol din sa ating na-ratify na bicameral conference committee report dahil may mga nakita po tayong mga pagbabago, hindi for the better pero para lalong ilayo ang ating bansa sa tunay na pag-unlad,” ani Manuel sa kanyang manifestation matapos isalang maratipikahan ang pambansang pondo.
Sinabi ng mambabatas, bagama’t dinagdagan ng P7 billion ang budget ng State Universities and Colleges (SUCS) ay kulang pa rin aniya ang P122 billion habang kinaltasan din aniya ng pondo ng Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED).
Nakaltasan din aniya ang pondo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Agriculture (DA) at maging ang National Irrigation Authority (NIA).
Binokya rin aniya ang Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth) at maging ang Department of Health (DOH) gayong kailangan ng mga tao ang tulong kapag sila ay nagkakasakit.
“May kaltas din sa calamity fund from P21.5 billion papuntang P21 billion. Alam po ng ating mga kababayan, dama po natin ang mga epekto ng climate change, pero itong ready na fund para sa pagdating ng mga sakuna ay nakaltasan pa,” ayon pa kay Manuel.
“So with these cuts on services, health, education, sino po yung big winners sa bicam version? Andyan ang DPWH na mula P825 billion sa National Expenditure Program ay magkakaroon ng P1.1 trillion sa ilalim ng bicam. That’s an increase of roughly 290 billion pesos. So dito po ba napunta yung kinaltas sa maraming ahensya?,” tanong pa nito.
Triniple din aniya sa Bicam ang unprogrammed appropriations (UA) ni Marcos dahil mula P158.7 billion ay naging P531.7 billion na ito habang sa Office of the President (OP) dinagdagan ng P5.4 billion kaya mula sa orihinal na panukala na P10 .4 billion lamang ay naging P15.8 billion na ito.
Hindi ito aniya makatutulong sa pag-unlad ng bayan dahil kung problematic umano ang orihinal na NEP na inilatag ng Department of Budget and Management (DBM) ay lalo pang lumalala ito sa Bicam.
“Naging bulnerable ang serbisyo para sa taong bayan pero ang mga big ticket infrastructure projects sa ilalim ng DPWH at ang mga discretionary funding lalo na sa unprogrammed appropriations, ay panalo sa ilalim ng version na ito,” paliwanag pa ni Manuel. (BERNARD TAGUINOD)
9