PAGBABALIK NG ILLEGAL QUARRYING SA MT. BANAHAW, IKINAALARMA

IKINABAHALA ng environmentalist group na Tanggol Kalikasan (TK), ang muling paglaganap ng mga illegal quarry operation sa mga lugar sa laylayan ng Mt. Banahaw sa bayan ng Sariaya sa lalawigan ng Quezon.

Ayon kay Jay Lim, project officer ng TK, nakatanggap sila ng mga ulat ng destructive mining o illegal quarrying sa paligid ng Lagnas river sa mga barangay ng Concepcion Pinagbakuran, at Concepcion Bugon.

Ayon pa kay Lim, batay sa pahayag ng mga residente, mga dinamita ang ginagamit sa operasyon ng pagmimina at madalas ang malakas na mga pagsabog ay umaabot ang pagyanig sa kanilang mga bahay.

Sa ginawang aktwal na inspeksyon ng Tanggol Kalikasan sa lugar, bumulaga ang malalaking mga kagamitan na ginagamit sa quarrying operation. Sinabi ni Lim, maging sila ay aktwal na narinig ang isang pagsabog habang papalapit sila sa lugar.

Pero ang higit na ikinagulat ng mga miyembro ng environmentalist group ay nang madiskubre nilang ang lugar ng mga quarry ay nasa loob ng MBSCPL o Mt. Banahaw-San Cristobal Protected Landscape batay sa mapa at GPS (global positioning system).

Sinabi ni Lim, ang isang kilometro na buffer zone bago pumasok sa MBSCPL ang “unang layer ng depensa” upang protektahan ang Mt. Banahaw, na itinuturing na “protected area.”

At istrikto umano ang pagbabawal sa pagmimina sa loob ng buffer zone upang protektahan ang Banahaw.

Samantala, itinanggi naman ng Sariaya LGU na ang mga pagsabog na naririnig ng mga residente ay may kaugnayan sa illegal quarrying.

Sa kanilang opisyal na pahayag sa pamamagitan ng kanilang Facebook page, sinabi ng Sariaya LGU na ang mga pagpapasabog ay isinasagawa ng mga tauhan ng Army bomb squad mula sa Southern Luzon Command headquarters sa Camp Guillermo Nakar, sa Lucena City kung saan dini-dispose ng mga ito ang mga luma at hindi na pwedeng magamit na bala ng Army.

Hindi naman sinagot ng Sariaya LGU kung bakit ang limang quarry operations ay nasa loob ng Mt. Banahaw buffer zone.

(NILOU DEL CARMEN)

83

Related posts

Leave a Comment