(BERNARD TAGUINOD)
PINATOTOHANAN ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na scam ang Maharlika Investment Fund (MIF) gaya ng matagal nang sinasabi ng mga kritiko ng administrasyon nito.
Pahayag ito ni Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel matapos baguhin ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng MIF law upang mas mapaluwag aniya ang pagpasok ng appointees ni Marcos tulad ni Rafael Consing Jr., at iba pa na siyang mamamahala sa pondo ng bayan.
“Mas lantad na ngayon sa mga Pilipino na ang Maharlika Investment Fund ay isang SCAM para ipunin ang pera ng gobyerno at ilagay sa ilalim ng direktang kontrol ni Marcos Jr. at ng kanyang mga kroni,” ani Manuel.
Bukod sa pagpapalabnaw ng mga kwalipikasyon ng mga mamumuno sa Maharlika Investment Corporation (MIC) ay inalisan din ng kapangyarihan ang audit body kaya pwede nang gawin ng appointees ni Marcos ang kanilang gustong gawin sa pera ng bayan.
Si Consing na dating tauhan ng negosyanteng si Ricky Razon ay hindi kwalipikado sa orihinal na IRR at maging sa batas dahil kailangang mayroon advance education ang mga ito sa larangan ng ekonomiya, finance at mga kahalintulad na propesyon.
“Pinasahol ng panibagong IRR ang Maharlika Investment Fund,” paglalarawan naman ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas sa bagong IRR.
Dahil dito, lalong naging bulnerable aniya ang P500 billion pondo ng MIF at posibleng mawala na lamang ito kaya maiiwan ang mga Pilipino na nakatunganga lalo na’t walang pananagutan ang MIC officials kapag nagkamali ang mga ito sa pag-iinvest at malugi.
Sa ngayon ay nakabinbin sa Korte Suprema ang petisyon na kumukuwestiyon sa legalidad ng MIF kaya umepala ang mambabatas na agad itong resolbahin.
Ang MIF ay pet bill ni Pangulong Marcos na agad ipinasa sa Kongreso na hindi binusisi nang husto tulad ng karaniwang batas matapos itong sertipikahan bilang urgent bill.
182