UMUSAD na ang resolusyon sa Mababang Kapulungan ng Kongreso sa paglilipat ng tanggapan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso malapit sa bagong gusali ng Senado sa Bonifacio Global City, Taguig.
Sa sesyon kahapon ng hapon, pinagtibay ng Kamara ang House Resolution (HR) 1390 na nagsusulong sa pagbuo ng isang Ad Hoc committee na mag-aaral para sa konstruksyon ng bagong gusali na lilipatan ng Kapulungan.
Itinalaga bilang chairman ng komite si Camarines Sur Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte habang sina House Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales Jr., Quezon Rep. David Suarez at Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ang tatayong vice chairpersons.
Magiging miyembro naman ng komite sina Reps. Mercedes Alvarez, Roberto Puno, Johnny Pimentel, Jose Aquino, Eleandro Jesus Mandrona, Angelica Natasha Co, Brian Yamsuan, Toby Tiangco at Jurdin Jesus Romualdo.
Mismong sina Villafuerte, Gonzales at Suarez ang naghain ng nasabing resolusyon dahil kailangan aniyang ikonsidera na ilipat ang Kapulungan malapit sa Senado na nagtayo ng sariling gusali sa BGC at nakatakdang lumipat na ang mga ito mula sa kasalukuyan nilang tanggapan sa GSIS Building sa Pasay City.
Mahalaga umano na magkalapit ang dalawang kapulungan para sa komunikasyon at koordinasyon ng mga ito pagdating sa paggawa ng mga ito ng batas.
Ang Batasan Pambansa Complex na kasalukuyang tahanan ng Kamara ay itayo noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr,
Gayunman, nauna nang sinabi ni House Sec. Gen. Reginald Velasco na wala pa sa prayoridad ng Kamara ang paglilipat ng gusali dahil mas nakatutok ito sa paggawa ng batas na kailangan ng mga tao.
(BERNARD TAGUINOD)
107