PAGSUSUMITE NG GUN BAN EXEMPTION APPLICATION SIMULA NA

PINASIMULAN ngayong Lunes ng Commission on Election ang paghahain ng aplikasyon para sa gun ban exemption kaugnay sa gaganaping May 2025 Midterm Election.

Ayon sa COMELEC, lahat ng exempted sa gun ban ay kailangan mag-apply para mabigyan ng certificate of authority na gagamitin upang payagan ang isang awtorisadong indibidwal na magdala ng baril sa panahon ng eleksyon na magsisimula sa Enero 12 hanggang Mayo 28, 2025.

Nilinaw naman ni Comelec Chairman George Erwin Garcia, ang mga awtomatikong exempted na sa gun ban ay hindi na kailangang mag-apply pa, katulad ng presidente, bise-presidente, mga senador at kongresista, mga miyembro ng gabinete, mga piskal, NBI agents at iba pang mga agarang hindi na kasama sa aplikasyon.

Tiniyak din nito na kapag nagpasa ng kumpletong dokumento ay mabilis na maaaprubahan ang kanilang aplikasyon.

Posibleng isang linggo lamang ay maaari nang matapos ang proseso nito.

Ang sinomang lumabag sa gun ban sa panahon ng eleksyon ay makakasuhan ng election offense at maaaring humarap sa mabigat na kaparusahan

Sa kapangyarihan ng COMELEC ay kinakansela ang lahat ang permit to carry firearms outside residence tuwing election period lalo na sa mga sibilyan.

At tanging mga uniform personnel lamang ang awtorisadong magbitbit ng baril.

Kaugnay nito, mahigpit na magpapatupad ng COMELEC-PNP-AFP Checkpoint sa estratehikong mga lugar. (JESSE KABEL RUIZ)

77

Related posts

Leave a Comment