(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
POSIBLENG may paglabag sa Konstitusyon ang ipinasang 2025 budget ng Kongreso para sa Department of Education (DepEd).
Pahayag ito ni Senador Migz Zubiri dahil sa ilalim aniya ng Konstitusyon ay education sector ang dapat na may pinakamalaking pondo sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act (GAA) pero Department of Public Works and Highways (DPWH) na ang binigyan ng pinakamataas na budget sa susunod na taon.
Sa ilalim ng 2025 national budget, ang DPWH ay may alokasyon na P1.1 trillion habang ang DepEd ay aabot lamang sa P737 billion.
Paliwanag ni Zubiri, posibleng may paglabag sa Saligang Batas dahil nakasaad sa Article 5 ng 1987 Constitution na education sector ang highest priority at dapat na makatanggap ng pinakamataas na pondo sa bansa.
Dahil dito, posible aniyang kwestyunin ng ilang grupo sa korte ang desisyon ng Kongreso.
Maari naman umano itong maremedyuhan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pamamagitan ng kanyang veto powers sa line item budget ng ahensya.
Matapos matanong hinggil sa nasabing isyu, sinabi ng Malacañang na tinatrabaho na ni Pangulong Marcos Jr. ang pagbabalik sa tinapyas na P10 billion na pondo ng departamento mula sa pinal na bersyon ng 2025 budget na inaprubahan ng Bicameral Conference Committee.
“On the subject of the DepEd, we are still looking into it. I think it is contrary to all our policy direction when we talk about the STEM development of our educational sector and then the continuing development,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa isang panayam.
“Because ‘yung nawalan na P10 billion comes from the computerization item. So we’re working on it to make sure that we will restore it. I do not want to line item veto anything because that just gets in the way. So we’re still talking about it and trying to find a way,” aniya pa rin.
Sinabi pa ng Pangulo na magagawa pa rin naman ng gobyerno at makakagawa pa rin ito ng paraan para sa bagay na ito.
9