PINAAAMYENDAHAN sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang “Anti Drunk and Drugged Driving Act of 2013” o Republic Act (RA) 10586 upang ipagbawal sa mga driver na magmaneho ng sasakyan kahit ‘tipsy’ pa lamang ang mga ito.
Layon din ng nasabing panukala na taasan ang parusa at multa sa mga nakainom na driver na masasangkot sa aksidente dahil sa kabila ng nasabing batas ay libu-libo pa rin ang namamatay.
“This is a measure to guarantee the safety of everyone on the road. Kahit tipsy pa lang, hindi na dapat nagda-drive. Lalo na ngayon, maraming Christmas parties, kailangan nating masiguro ang safety ng mga drivers. Regalo na natin ito sa mga uuwian nilang pamilya ngayong Pasko,” ani Rep. Perci Cendaña sa kanyang House Bill (HB) 11220 o “Iwas Amats, Iwas Aksidente” bill.
Ayon sa mambabatas, nakaaalarma aniya ang record na mula 2015 hanggang 2019, umabot sa 18,735 aksidente na sa lansangan na kinasasangkutan ng mga lasing na tsuper kung saan 5,213 sa mga ito ang namatay.
Dahil dito, kailangan amyendahan ang nasabing batas upang obligahin ang mga mga public establishment sa pagpapatupad ng bansa at huwag payagan ang kanilang mga customers na magmaneho kahit ‘tipsy’ pa lamang ang mga ito.
“Dapat may itinatalagang driver ang mga public or private establishments para maiwasan ang pagmamaneho ng mga ‘tipsy’ drivers. Kung may tama na, maaari rin nating tangkilikin ang mga pampublikong sasakyan o ang mga ride-hailing apps para siguradong iwas disgrasya,” ayon sa kongresista.
Maliban dito, pabibigatin na rin ang parusa at multa sa mga lasing na driver na masasangkot sa aksidente.
Sa ilalim ng kasalukuyang batas, tatlong buwan na pagkakakulong at multang P20,000 hanggang P80,000 lang ang multa sa mga tsuper na maaksidente dahil sa kalasingan o nakainom subalit sa nasabing panukala, gagawin na itong isang taon at P100,000 multa kapag may nadamay at nasaktan na iba.
Kung may namatay na iba na nadamay sa aksidenteng kinasasangkutan ng lasing na tsuper ay 12 taon na itong makukulong mula sa kasalukuyan na anim na taon lamang at multang P1,000,000 mula sa P500,000. (BERNARD TAGUINOD)
1