Sender at receiver ‘di makontak MARIJUANA NADISKUBRE NG RIDER SA PARCEL

CAVITE – Tinutunton ng Cavite Police ang sender at receiver ng isang parcel na naglalaman ng tinatayang 150 gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana makaraang madiskubre ng isang Lalamove rider nang mabigong mai-deliver sa receiver ang parcel sa Rodriguez, Rizal noong Huwebes ng madaling araw.

Kinilala ang mga pinaghahanap ng pulisya na sina alyas “Gerard”, ng Dasmariñas City, Cavite, at alyas “Ismael”, ng Brgy. San Isidro, Rodriguez, Rizal.

Nabatid sa imbestigasyon, dakong alas-3:00 ng hapon noong Miyerkoles nang pik-apin ng Lalamove rider na si alyas “Josh” ang isang parcel mula kay “Gerard” sa Barangay Langkaan 2, National High School sa Dasmariñas City, at ide-deliver kay “Ismael” sa Brgy. San Isidro, Rodriguez, Rizal.

Dakong alas-7:00 ng gabi nang nakarating ang Lalamove rider sa nasabing address at pagdating sa lugar ay tinawagan ang sender at ang receiver hinggil sa parcel ngunit ‘unattended’ umano ang linya ng cellphone ng mga ito.

Naghintay ang rider ng ilang oras subalit nang magtagal ay naghinala ito sa laman ng parcel kaya binuksan nito at nagulat na naglalaman pala ito ng marijuana na nakalagay sa isang plastic ziplock.

Agad nagtungo ang rider sa Rodriguez Municipal Police Station para i-report ang natuklasan.

Sinamahan naman ang rider nina Police Staff Sergeant Paul Joseph Cruz at Police Corporal Dick Arado, kapwa miyembro ng Rodriguez Municipal Police Station, at itinurn-over ang marijuana sa Dasmariñas City Police Station.

Ang nasabing parcel ay naglalaman ng tinatayang 150 gramo ng marijauana na may street value na P18,000.

(SIGFRED ADSUARA)

45

Related posts

Leave a Comment