TRAHEDYA SA DAVAO DE ORO IIMBESTIGAHAN NA NG KAMARA

MAG-IIMBESTIGA na ang Mababang Kapulungan ng Kongreso sa trahedyang naganap sa Maco, Davao de Oro na ikinamatay ng 54 katao at 63 pa ang nawawala.

Sa House Resolution (HR) 1587 na inakda ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas, nais nitong itutok ang imbestigasyon sa large-scale mining operations ng Apex Mining Corporation sa pangunguna umano ng tycoon na si Enrique Razon Jr.

“Environmental advocates oppose large-scale and open pit mining operations due to their destructive, lasting impact on our communities. Ang nangyari sa Davao ay isang buhay na halimbawa kung gaano kalala ang epekto nito sa mga komunidad na nagresulta na nga sa pagkamatay ng napakaraming mga manggagawa at residente,” ani Brosas.

Sa hiwalay na House Resolution (HR) 1586 na inakda nina House deputy majority leader Erwin Tulfo at Davao de Oro Rep. Ruwel Peter Gonzaga at apat pang mambabatas, itututok ang imbestigasyon sa hindi pagsunod sa no-build zone.

“What I cannot understand at this point is that this catastrophe could have been avoided if only law were strictly implemented,” pahayag ni Tulfo.

Unang idineklara ng Mines and Geoscience Bureau (MGB) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na no-build zone ang lugar kung saan gumuho ang bundok sa Masara, Maco, Davao de Oro noong 2008.

Ang desisyon ng MGB ay kasunod ng kahalintulad na trahedya sa nabanggit na taon kung saan 25 katao ang namatay.

“Ang tanong, bakit may tao pa rin doon at hinayaan lang sila ng manirahan sa lugar kahit gumuho na ang lupa nito? Somebody has to take responsibility over this tragedy,” pahayag ng mambabatas.

Dahil dito, nagkasa ng imbestigasyon ang mga nabanggit na mambabatas upang alamin kung sino-sino ang nagpabaya sa kanilang tungkulin kaya nagbuwis ng buhay ang mga ordinaryong mamamayan sa nasabing lugar.

(BERNARD TAGUINOD)

 

47

Related posts

Leave a Comment