QUEZON – Patay ang isang pahinante habang sugatan ang siyam na iba pa nang mahulog sa kanal sa gilid ng highway ang isang cargo truck sa Brgy. Silangang Malicboy, sa bayan ng Pagbilao sa lalawigang ito, noong Linggo ng gabi.
Ayon sa report ng Pagbilao Police, galing sa Oas, Albay sa Bicol ang truck na may kargang mga kalabaw, nang mawalan ito ng preno habang lumulusong sa Atimonan – Pagbilao zigzag diversion road.
Nawalan ng kontrol ang nagmamanehong si Dennis Jordan Ricafort, 48, sa truck hanggang sa mahulog ito sa kanal.
Isinugod sa ospital ang driver at siyam pang sakay nito ng nagrespondeng mga tauhan ng BFP, at Pagbilao MDRRMO ngunit idineklarang dead on arrival ang truck helper na si Bobby Vargas, 53-anyos.
Kabilang din sa mga nasugatan ang negosyanteng may-ari mismo ng truck na si Dexter Rellama, 59, mga helper, at isang 13-anyos na lalaking estudyanteng nakisakay sa truck.
(NILOU DEL CARMEN)
242