UMAWAT SA AWAY PATAY SA BUGBOG

NAMATAY habang inoobserbahan sa pagamutan ang isang 44-anyos na lalaki makaraang bugbugin ng dalawang lalaking nakaalitan ng kanyang pamangkin sa Barangay 766, Zone 83, San Andres Bukid, Manila noong Linggo ng gabi.

Kinilala ang biktimang si Ronaldo Bugayon, may asawa, residente ng nabanggit na lugar.

Agad namang dinampot ng mga barangay tanod ang suspek na si Eduardo Villanueva Jr., 31, binata, jobless, ng nasabi ring lugar, habang tinutugis ang isang kasama nito.

Batay sa ulat ng Sta. Ana Police Station 6 ng Manila Police District, bandang alas-11:15 ng gabi nang pagtulungang bugbugin ang biktima ng mga suspek.

Nauna rito, ayon sa pamangkin ng biktima, habang pina-park niya ang kanyang e-bike nang yayain siya ng mga suspek na mag-inuman ngunit mariin siyang tumanggi.

Bunsod nito, nagalit umano ang mga suspek na nagresulta sa kanilang pagtatalo.

Sa puntong ito, umawat umano ang biktima ngunit pinagtulungan itong bugbugin ng mga suspek. Natumba umano ang biktima at tumama ang mukha sa disk brake ng nakaparadang motorsiklo naging dahilan upang mabagok ang ulo nito.

Isinugod ang biktima sa ospital ngunit dakong alas-2:05 ng madaling araw nitong Lunes ay nalagutan ng hininga. (RENE CRISOSTOMO)

29

Related posts

Leave a Comment