BANANA BOAT TUMAOB, TURISTA NALUNOD

QUEZON – Nalunod ang isang babaeng turista matapos tumaob ang sinasakyan nitong banana boat sa Brgy. Dinahican, sa bayan ng Infanta sa lalawigan noong Huwebes ng hapon, Mayo 29.

Ang biktima ay si Mary Crist, 45, taga Barangay Pag-asa, Binangonan, Rizal.

Ayon sa report ng Infanta Police, dakong alas-3:00 ng hapon, umarkila ng banana boat ang grupo ng biktima bilang bahagi ng kanilang bakasyon sa Berna’s Beach Resort sa Infanta.

Subalit habang nasa gitna ng karagatan ay biglang hinambalos ng malaking alon ang banana boat na naging sanhi ng pagtaob nito.

Tatlong crew members ng banana boat ang agad nagtangkang sagipin ang biktima subalit tuluyan itong lumubog at nalunod sa kabila ng mayroon naman umano itong suot na life vest.

Nang maiahon ay dinala ang biktima sa Claro Memorial District Hospital at pilit na isinalba ngunit idineklarang wala nang buhay ng mga doktor.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga tauhan ng Infanta Police upang matukoy ang iba pang mga detalye ng insidente at upang mabatid kung may pananagutan ang may-ari ng resort sa nangyaring trahedya.

(NILOU DEL CARMEN)

26

Related posts

Leave a Comment