BANAT NG DAYUHAN KAY PBBM PINALAGAN NI GOITIA: PROPAGANDA!

MARIING kinondena ni Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia ang isang foreign social media post na tumawag kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na may “low IQ.”
Ayon kay Goitia, malinaw na ito ay desperadong propaganda laban sa isang lider na matatag na lumalaban para sa sambayanang Pilipino.

“Diretsuhin na natin — malinaw na propaganda ito. Wala silang alam sa ating kasaysayan at mga pakikibaka, pero ang lakas ng loob nilang insultuhin ang ating Pangulo at ang ating bayan. Hindi na ito katanggap-tanggap,” giit ni Goitia.

Pamumunong may paninindigan

Tinuligsa rin niya ang pagkukunwari ng mga banyagang kritiko. Ani Goitia, ipinagtanggol ni Marcos ang West Philippine Sea nang hindi tayo idinadamay sa digmaan, at pinalakas ang mga alyansa nang hindi isinuko ang soberanya.

“Iyan ang tunay na pamumuno — mahinahon, kalkulado, at inuuna ang kapakanan ng bayan,” aniya.

Ekonomiya, umaangat

Mariin ding itinanggi ni Goitia ang paratang na palpak ang Pangulo sa ekonomiya.

“Patuloy na dumarami ang foreign investments, bumabalik ang turismo, at naitatag ang pundasyon ng matibay na kinabukasan. Hindi biglaan ang progreso, pero malinaw ang direksyon at si Marcos ang nagtutulak nito,” dagdag niya.

Banat na “Low IQ,” walang basehan

“Ang sukatan ng talino ay nasa resulta. Sa ilalim ni Marcos, muling nakuha ng Pilipinas ang respeto ng mundo. Iyan ang tatak ng matalino at matatag na lider,” mariing saad ni Goitia.

Panawagan ng pagkakaisa

Dagdag pa niya, ang mga ganitong atake ay patunay lamang na tinatamaan ang mga dayuhan sa pamumuno ni Marcos.

“Ang kinatatakutan nila ay isang Pilipinas na may dangal at paninindigan. At walang anumang paninira mula sa labas ang makakapagbura sa katotohanang si Pangulong Marcos ay tapat na naglilingkod para sa kinabukasan ng bayan.”

Si Dr. Goitia ay Chairman Emeritus ng apat na makabayang organisasyon: ABKD, PADER, LIPI, at FDNY Movement.

19

Related posts

Leave a Comment