CAVITE – Nagsasagawa ng imbestigasyon ang Cavite Police hinggil sa sanhi ng pagkamatay ng isang lalaking natagpuan sa gilid ng dagat na sakop ng Cavite City noong Biyernes ng gabi.
Inilarawan ang biktima na may edad na 40-48, may taas na 5’4 hanggang 5’7, katamtaman ang pangangatawan, nakasuot ng long sleeve na kamiseta, naka-shorts, nakasuot ng cotton gloves ang mga kamay at foot socks ang mga paa.
Ayon sa ulat ni P/SMSgt. Jonathan Baclas ng Cavite City Police, dakong alas-10:30 ng gabi habang nagpapatrulya ang mga barangay tanod sa gilid ng baybayin na sakop ng Barangay 8, Lungsod ng Cavite, nang mapansin ang bangkay kaya agad nilang ipinagbigay-alam sa pulisya.
Ayon sa ilang saksi, huling nakitang buhay ang biktima dakong umaga habang nangunguha ng green shells sa breakwater na sakop ng Barangay 8.
Inaalam ng pulisya kung may foul play sa pagkamatay ng biktima. (SIGFRED ADSUARA)
184
