BANTAY OFW SA RADYO SIMULA NA SA OCTOBER 30

ISANG malaking karangalan na ako ay imbitahan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Radio – DWDD Station Manager na si Major Louzel Lara upang magkaroon ng bagong programa na tatalakay sa mga suliranin ng mga OFW saan mang sulok ng mundo.

Ang tinutukoy ko ay ang aking bagong programa na Bantay OFW na magsisimula sa Oktubre 30, 2020 na mapapakinggan tuwing alas-6 hanggang alas-7 ng gabi sa DWWW 1134KHz AM radio.

Ang Bantay OFW kasama ang buong ­pwersa ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ay naghahangad na makapagbigay ng agarang tugon at solusyon sa bawat hinaing ng mga OFW.

Habang nagpo-programa at napapanood sa ere, ay maaring tumawag sa telepono at maging sa FB Messenger, Viber at Whatsapp ang sinuman na gustong magparating.

Sa unang saltada ng ating programa ay makakasama si OWWA Administrator Hans Leo Cacdac upang maghatid ng mga bagong balita na may kinalaman sa Tulong Puso, libreng swab test sa NAIA para sa mga OFW at iba pang programa na ipinagkakaloob ng OWWA. Tatangap din tayo ng tawag mula sa ating ­televiewers na pipilitin natin mabigyan ng agarang aksyon.

Samantala, ibig kong bigyan ng puwang ang suliranin ng isang OFW mula sa Riyadh, Saudi Arabia na ipinarating sa akin ni AKOOFW Cagayan Valley Chapter Chairman na si Reynaldo Ferrer.

Si OFW Ana Garcia Balurin ay nakarating sa Riyadh, Saudi Arabia sa pamamagitan ng TRU Force International ­Manpower noong Pebrero 19, 2019. Simula noong siya ay nakarating sa nasabing bansa ay nailipat na sa sya sa ikalawang employer.

Dito na sa ikalawang employer nagsimula ang kanyang kalbaryo. Ayon sa salaysay ni OFW ­Balurin ay “Nanakit ang amo ko na babae. Dinuduraan nya ako at pinipwersa ako na magtrabaho kahit may ­karamdaman. Simula ­Agosto hanggang September 26 ay hindi ako binigyan ng aking sweldo. Wala rin akong privacy sa kwarto ko at pinagseselosan akong palagi kahit walang dahilan.Isang taon ako nagtrabaho sa una kong ­employer na si Mohhamed Saleh Namni at pagkatapos ng isang taon ay ipinasa ako kay Mohammed Abdalla Saleh.”

Ipinaalam na ni OFW Balurin ang kanyang sitwasyon sa kanyang ­ahensya ngunit hanggang sa kasalukuyan ay wala pa rin itong ginagawang aksyon para siya ay matulungan.

Nakikiusap si OFW Balurin sa kanyang ahensya at lalo na kay Labor Attache Nasser Mustafa upang siya ay masaklolohan na maialis na sa kanyang mapang-abusong employer lalo na mula sa kanyang among babae.

Ipinarating ko na rin ang kanyang sumbong sa aking kaibigan na si Director Ria Lano ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) Licensing and Regulatory Division upang tawagan ng pansin ang TRU Force Manpower International Manpower.

oOo

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa e-mail address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com o tumawag sa 09081287864.

153

Related posts

Leave a Comment