‘Baptism of fire’ kay P/BGen. Estomo sa Bicol MIYEMBRO NG SINDIKATO PATAY SA PRO5 OPERATION *No. 2 Most Wanted arestado

MISTULANG ‘baptism of fire’ para kay dating PNP-AKG chief at ngayon ay bagong talagang PNP-Police Regional Office 5 director, Brig. General Jonnel C. Estomo ang kanilang unang law enforcement operation na nagresulta sa pagkakapatay sa isang miyembro ng Concepcion crime group at pagkakaresto sa isa pang suspek sa bayan ng Bato sa lalawigan ng Camarines Sur.

Ayon kay P/BGen. Estomo, nahuli ng kanilang mga tauhan si Mario Quite Sandrino sa ikinasang law enforcement operation sa Brgy. San Miguel sa nabanggit na bayan.

Habang isang hindi pa kilalang suspek na kasama ni Sandrino na nagtangkang lumaban nang sabayan sa mga pulis, ang napaslang matapos ang ilang minutong palitan ng putok.

Si Sandrino na sinasabing kasapi ng Concepcion crime group at itinuturing na armed and dangerous personality, ay kabilang sa top priority ng Camarines Sur PNP dahil sa pagkakasangkot sa serye ng illegal transactions ng mga armas, robbery/hold-up, gun for hire, at carnapping sa nasabing lalawigan at iba pang lugar sa Bicol Region.

Armado ng search warrant na inisyu ni Hon. Maria Clarissa L, Pacis-Trinidad, executive judge ng RTC Branch 36, 5th Judicial Region, Iriga City, Camarines Sur, sa kasong paglabag sa RA 10591 o New Comprehensive Firearms Law, ikinasa ng mga tauhan ng Police Intelligence Unit Camarines Sur Provincial Police Office, 9th Special Action Force Battalion–Special Action Force, 93rd CIP (SMP), 97MICO, RID, RSOU, PIT CAMCUR, RIU5 at Bato Municipal Police Station, sa pamumuno ni P/Maj. Ryan P. Rimado, Police Mobile Force Camarines Sur 2nd PMFC (lead unit), ang nasabing police operation.

Samantala, muling nakaiskor ang mga tauhan ni PNP-Provincial Regional Office 5 director, P/BGen. Jonnel C. Estomo makaraang madakip ang isang tinaguriang no.2 most wanted person, municipal level, sa kasong rape, sa Bacoor City, sa lalawigan ng Cavite.

Ayon kay P/BGen. Estomo, ang suspek na si Joseph Barrameda y Botanara, ng Brgy. Langston, Bacacay, Albay, ay nadakip ng mga tauhan ng Bacacay MPS-PRO5 at Bacoor CPS-PRO4A, sa Bacoor City.

Ang suspek ay naaresto noong Martes, Abril 27, makaraan ang ikinasang intelligence operation, sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Mamerto M. Buban, presiding judge ng RTC Branch 18, 5th Judicial Region, Tabaco City, Albay. Walang inirekomendang piyansa ang korte para sa nasabing kaso ng suspek.

Si Barrameda ay suspek sa panggagahasa sa isang nagngangalang Luisa sa Bacacay, Albay.

Nang makatunog ang suspek na inireklamo siya ng biktima sa himpilan ng pulisya ay nagtago ito ng halos isang taon sa Bacoor City, Cavite.

Gayunman, sa pagsusumikap ng mga tauhan ng PNP-PRO5 ay nadakip ang nasabing suspek.

Ang suspek ay nasa pansamantalang kustodiya ng Bacoor CPS lock-up jail.

214

Related posts

Leave a Comment