BISTADOR ni RUDY SIM
KAMALASAN ang sumalubong sa bagong taon sa Bureau of Immigration, makaraang patakasin este… makatakas pala ang dalawang South Korean national inmates na pawang nakakulong sa BI detention unit sa Muntinlupa City.
Tila inunahan na ng ahensya na maghugas ng kamay at magpalabas ng Praise Release itong obob na tagapagsalita ng BI, na nagsasagawa na raw sila kuno ng manhunt operation upang matunton at muling madakip ang dalawang pugante na sina Lee Jingyu, 32, at Yang Heejun, 44, pawang nahaharap kuno sa deportation.
Ayon sa source, sinamantala umano ng dalawang pugante na tumakas mula sa piitan sa kasagsagan ng putukan noong pagsalubong sa bagong taon kung kaya’t ang kamote na warden ay tila natutulog sa pansitan. Bakit kaya hindi paimbestigahan nitong si Commissioner Joel Anthony Viado ang kanyang tauhan na warden at ilagay muna sa floating status para imbestigahan sa kanyang kapabayaan! Hindi ba’t ito’y command responsibility?
Si Lee Jingyu ay nahuli noong November 17 ng masisipag na mga ahente ng Fugitive Search Unit at hindi ng Intelligence Division na masipag lang sa hulidap. Ang puganteng si Lee Jingyu ay hindi basta-basta lamang ang kinahaharap na kaso sa kanilang bansang South Korea, dahil ito ay may Interpol red notice na Drug Smuggler at ang kanyang kasama naman na tumakas na si Yang Heejun ay fugitive din sa kanilang bansa dahil sa kasong pagnanakaw at nahuli sa Angeles City noong pang 2022.
‘Yan ang isang raket di-umano ng ilang tiwaling abogado riyan sa Legal na division ng BI lalo sa deportation unit kung saan ay nagagawa umanong patagalin ang pagpapa-deport sa isang dayuhan lalo’t kung ito’y maraming salapi? Gaano kaya katotoo na upang ma-delay ang deportation ng isang high profile inmates ay kinakargahan ito ng lokal na kaso?
Sa ilang ulit nang may nakatakas bakit kaya matibay at nananatili pa rin ang kasalukuyang warden dito? Hindi ba’t dapat na ring magbitiw kung hindi makapal ang pagmumukha ni Viado na ilang ulit nang natakasan ay kapit-tuko pa rin sa puwesto sa kabila ng ilang kontrobersiya sa kanyang ahensiya!
Sino kaya ang kasabwat sa BI personnel at magkano muli ang ibinayad upang makatakas ang dalawang high profile inmates? Bakit wala pang gumugulong na ulo para sibakin ni Viado ang mga opisyal ng Detention Unit? Bakit kaya hinayaan din ni Viado na matuloy ang “Bembang Room” sa Detention Unit na pinagkakakitaan ng mga buwaya rito? Ombudsman Boying Remulla, bakit tahimik ka sa nangyayari sa BI? Bakit hindi mo kasuhan at sibakin ang iyong tauhan?
Matatandaang nag-viral sa social media noong nakaraang taon matapos nating i-upload sa social media ang CCTV video kung paano pinatakas ng mga tauhan ng BI ang isang South Korean fugitive na dinala pa sa Pegasus sa Quezon Ave. sa kabila ng report ng warden na ito raw ay nakatakas noong dumalo ng hearing sa QC Hall of Justice.
Update sa nakaraang pambibisto natin kaugnay sa 9g visa, abangan sa susunod!
(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)
174
