BATANG BABAE, COED PATAY SA MOTOR

QUEZON – Patay ang isang 8-anyos na batang babae matapos masalpok ng motorsiklo habang naglalakad sa gilid ng kalsada sa Buenavista-San Narciso Road, Brgy. Maguiting, sa bayan ng San Narciso sa lalawigan.

Ayon sa ulat ng San Narciso Municipal Police Station, bandang alas-7:30 ng umaga nang mabundol ng motorsiklong minamaneho ni alyas “Chris”, 29, residente ng Brgy. Abuyon, ang grade 2 student na biktimang kinilalang sa pangalang “Princess”.

Naglalakad umano sa gilid ng kalsada ang biktima nang mahagip ito ng motorsiklo.

Dinala ang bata sa Quezon Provincial Hospital Network-San Narciso at nilapatan ng paunang lunas ngunit nalagutan ng hininga habang inililipat sa ibang ospital.

Samantala, Patay ang isang dalagang college student matapos mawalan ng kontrol sa kanyang motorsiklo at sumemplang sa kinukumpuning kalsada sa Maharlika highway, Brgy. Malabanban Norte, sa bayan ng Candelaria sa nasabi ring lalawigan, madaling araw nitong Miyerkoles.

Kinilala ang biktimang si Jenelyn Irinco Copo, 21, criminology student sa Lucena City, at residente ng nasabing barangay.

Ayon sa ulat ng Candelaria Police, bandang alas-12:50 ng madaling araw habang minamaneho nito ang motorsiklo patungo sa Candelaria town proper sa Maharlika Highway nang bumangga ang motorsiklo nito sa mga barrier ng isang under construction road.

Tumilapon ang biktima sa kalsada at dahil walang suot na helmet, grabeng napinsala ang ulo at katawan nito.

Agad nagresponde ang MDRRMO-Candelaria personnel at nagbigay ng first aid saka dinala ang biktima sa Quezon Provincial Network Hospital-Candelaria, subalit hindi umabot nang buhay. (NILOU DEL CARMEN)

11

Related posts

Leave a Comment