INIREKLAMO sa Commission on Elections (Comelec) si incumbent Rep. Jinky Bitrics Luistro na tumatakbo bilang kinatawan ng ikalawang distrito ng Batangas dahil sa paglabag sa mga panuntunan kaugnay sa May 12 elections.
Sinabi ni dating congressman Raneo E. Abu na dalawang reklamo ang kanyang inihain sa Task Force SAFE ng Comelec laban kay Luistro kabilang rito ang paglabag sa anti-discrimination and fair campaigning guidelines at pag-abuso sa paggamit ng state resources na inilabas ng Comelec.
Bagamat ipinagbabawal na simula March 28 ang presensya ng mga kandidato sa distribusyon o payout ng mga programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Labor and Employment (DOLE) ay nagawa pang magtalumpati o magsalita ni Luistro sa isang aktibidad.
Sa tatlong magkahiwalay na pagkakataon noong March 31, April 22 at April 24, 2025 nilabag umano ni Luistro ang Section 261 (j) ng Omnibus Elections Code.
Ayon kay Abu, nakita mismo sa Facebook page ni Luistro ang lantarang pamamahagi ng ayuda. Ito ay ginawang ebidensya ni Abu at basehan para sa paghahain nila ng reklamo sa Comelec.
Sa paglabag sa fair and anti-discriminatory guidelines ng Comelec, idinidikit umano siya sa mga terorista kung saan idinadagdag sa kanyang surname na Abu ang salitang “sayyaf” na direktang iniuugnay sa Abu Sayyaf Group.
“It has come to my knowledge that Jinky Bitrics Luistro has violated the fair and anti-discriminatory guidelines of Comelec by directly associating me to a terrorist organization, particularly by adding the word “sayyaf” to my family name thereby directly linkin me to the Abu Sayyaf Group. Her actions have violated my right to be safe,” saad ni Abu.
Panawagan pa niya sa Comelec, sana madesisyunan nang maaga ang kanyang reklamo lalo na’t kakaunti na lamang ang panahon. Sa kanyang katunggali, binigyang-diin ni Abu na huwag sanang bastusin ang batas na dapat siya ang unang nangangalaga bilang isang abogada. Si Abu ay tumatakbo ring Kongresista ng nasabing distrito.
(JOCELYN DOMENDEN)
