BATASAN PAMBANSA LOCKDOWN NA PARA SA SONA

APAT na araw bago ang ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ni-lockdown ang Batasan Pambansa Complex sa Batasan Hills, Quezon City para matiyak ang kaligtasan sa nabanggit na okasyon.

Base sa abiso ng Office of the Secretary General ng Kamara, walang papasukin sa Batasan Pambansa Complex maliban sa mga taong binigyan ng security passes na bahagi ng paghahanda sa SONA ni Marcos sa Lunes at dumadaan ang mga ito sa mahigpit na security check.

Maging ang mga kagawad ng media ay bawal nang pumasok sa Kamara maliban sa technical workers ng TV stations na naglatag ng kagamitan para sa kanilang coverage sa Lunes.

Sanib-puwersa ang Legislative Security Bureau (LSB), Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP) at Presidential Security Group (PSG) sa seguridad sa loob at labas ng Batasan Pambansa Complex mula kahapon.

Sa Lunes, inaasahan na lalong hihigpitan ang seguridad upang matiyak na walang magaganap na aberya sa nasabing okasyon.

Tinabla ni Leni

Mistulang inisnab naman ni dating Vice President Leni Robredo ang SONA ni Marcos matapos tablahin ang imbitasyon sa kanya.

Ayon kay House Secretary General Reginald Velasco, kabilang si Robredo sa mahigit 2,000 na inimbitahan sa SONA ni Marcos subalit nagpadala umano ng mensahe ang dating bise presidente na hindi ito makadadalo dahil may mga naunang commitment sa Lunes.

Si Robredo ang mahigpit na katunggali ni Marcos noong nakaraang presidential election, at tumalo sa Pangulo noong 2016 vice presidential election.

Dadalo naman sa nasabing okasyon sina dating Pangulong Rodrigo Duterte, Gloria Macapagal Arroyo at Joseph Estrada. (BERNARD TAGUINOD)

267

Related posts

Leave a Comment