BATASAN PAMBANSA PREPARADO NA SA SONA

HANDA na ang Batasan Pambansa para sa unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Lunes, Hulyo 25.

Ayon kay House Secretary General Mark Llandro Mendoza, naipadala na nila ang mahigit 3,600 invitations sa mga panauhin sa SONA ni Marcos na gaganapin alas-tres ng hapon sa plenaryo ng mababang kapulungan.

Kabilang sa mga pinadalhan ng invitations ang Diplomatic Corps, mga dating pangulo at pangalawang pangulo ng bansa, opisyales ng gobyerno at marami pang iba.

Mula noong Lunes, nakaposte na ang puwersa ng Philippine National Police (PNP) sa paligid ng Batasan Pambansa complex at inaasahan na dadami pa ang mga ito sa mismong araw ng SONA para sa seguridad.

Hinuli na rin ang mga aso at pusang gala sa loob ng complex at nakalatag na rin ang kagamitan ng RTVM na siyang magpi-feed ng video ng SONA partikular na ang talumpati ng Pangulo sa lahat ng TV networks.

Base naman sa advisory ng Public Relation Information Division (PRID) ng Kamara, ila-lockdown na ang Batasan Complex sa Biyernes kung saan hindi na papasukin ang mga empleyado, bisita at iba pang personalidad na walang kinalaman sa paghahanda sa SONA.

Tulad ng nakagawian, ang Presidential Security Group (PSG) ang mangangasiwa sa seguridad at loob ng main building kung saan naroroon ang session hall na pagdarausan ng SONA.

Ayon din sa PRID, inoobliga ang lahat ng guest, empleyado ng Kamara at Senado, Malacanang kasama na ang mga kagawad ng media na magpa-swab (RT-PCR) test, 48 oras bago ang SONA upang makapasok ang mga ito sa Batasan Complex sa Lunes.

“All guests must proceed to the lobby entrance with their vaccination card, health declaration form (HDF) and printed copy of the negative RT-PCR test result at the South Wing Annex Building of the House of Representatives and at the registration area for verification and security tagging by the Presidential Security Group (PSG),” ayon sa advisory ng PRID.

Kamakalawa ay ininspeksyon ni PNP OIC, Lt. Gen. Vicente Danao Jr. ang Tactical Operation Drone sa QCPD headquarters sa Camp Karingal, Quezon City.

Ang aparato ay gagamitin sa pagbabantay sa seguridad sa SONA. Ininspeksyon din ng opisyal ang kahabaan ng Commonwealth Avenue maging ang mga itinalagang control points.

Kaugnay sa inaasahang kilos protesta, naglatag na rin ng seguridad ang National Capital Region Police Office (NCRPO) at Quezon City Police Department (QCPD). (BERNARD TAGUINOD/JESSE KABEL)

134

Related posts

Leave a Comment