TOTOO namang matatapos na ang termino ni Bise – Presidente Maria Leonor Robredo sa Hunyo 30, 2022.
Ngunit, hindi pa rin tapos ang isyu hinggil sa pagkapanalo ni Robredo dahil hindi nakakakumbinsi ang desisyon ng Korte Suprema, bilang Presidential Electoral Tribunal (PET), sa protestang elektoral ni dating Senador Ferdinand Marcos II.
Hindi ito isyu ng “move on na tayo” dahil magkakaroon na uli ng halalan sa Mayo 2022 kung saan makapipili muli ang mga botante ng panibagong pangulo at pangalawang pangulo ng bansa.
Kakitiran ng utak kapag ikinahon natin sa konseptong move on.
Kung mababasa lang ng sinuman ang pinal na desisyon ng PET na inilabas kamakailan ay matutumbok na usaping teknikalidad ang idiniing batayan ni Associate Justice Marvic Leonen sa protesta ni Marcos.
Si Leonen ang napiling magpatuloy bilang ponente ng kaso matapos magretiro sa mataas na korte noong Oktubre 2019 ang orihinal na ponente na si Justice Alfredo Benjamin Caguiao.
Hindi ako abogado, ngunit kumbinsido akong natalo si Marcos kay Robredo dahil sa teknikal na usapin.
Ibig sabihin, ibinatay sa alituntuning sinusunod sa proseso ng protestang elektoral.
Nakasaad sa desisyon ng PET ang tungkol sa muling pagbibilang ng mga boto sa tinatawag na “pilot provinces” upang malaman kung makababawi si Marcos laban sa 263,473 lamang ni Robredo sa kanya sa eleksyong 2016.
Ang tatlong lalawigan ay ang Camarines Sur, Iloilo at Negros Oriental.
Natapos ang pagpapabilang ng PET noong 2019 sa tatlong lalawigan kung saan nakakuha pa ng karagdagang 15,093 boto si Robredo.
Dahil dito, hiniling noon ni Caguiao at Senior Associate Justice Antonio Carpio na ibasura na ang protestang elektoral ni Marcos dahil tapos na ito alinsunod sa Rule 65 ng alituntunin ng PET.
Ngunit, hindi tinanggap ng mga mahistrado ang posisyon nina Caguiao at Carpio dahil nagpasya ang mayorya na ipagpatuloy ang “third cause” ng kaso ni Marcos.
Ang nasabing third cause ay iba at hiwalay na isyu sa una at ikalawang aksiyon ng buong protestang elektoral ni Marcos.
Nang maging ponente si Leonen, nakatuon pa rin ang kanyang isipan sa tatlong lalawigan, sa halip na ipasalang niya ang mga lalawigang sakop ng third cause ng protestang elektoral ni Marcos.
Inakusahan ni Marcos na kuwestyonable ang resulta ng halalan sa 39,221 clustered precincts sa Lanao del Sur, Basilan at Maguindanao.
Umabot sa 36,465 presinto mula sa 39,221 ang binayaran ani Marcos upang ilunsad ng PET ang “manual recount” at “judicial revision”.
Hindi ito naganap.
Ayon sa desisyon ng mayorya ng PET, (1) sapat na ang resulta ng recount sa Camarines Sur, Iloilo at Negros Oriental; (2) walang alituntunin para sa third cause; at (3) walang sapat na panahon upang magbalangkas ng panibagong alituntunin.
Pokaragat na ‘yan!
Kung nagpasya ang PET ilang linggo makaraang maging ponente at “justice – in – charge” si Leonen noong Okrubre 29,2019 na magsagawa ng imbestigasyon sa akusasyon ni Marcos na naging malaganap ang dayaan ng halalan sa Lanao del Sur, Basilan at Maguindanao ay hindi magagapos sa teknikalidad ang batayan ng mga argumento ng PET.
Hindi lang si Marcos, kundi maging si Robredo at ang milyun-milyong Filipino ay lubos na naniniwalang higit na mahalaga ang boto at boses ng mga botante noong halalang 2016 at sa mga susunod na halalan ng ating bansa.
Sa lahat ng uri ng eleksyon, kasama na ang mga eleksyon sa organisasyon sa mga paaralan at homeowners association sa bawat barangay ay boto ng mga botante.
Ang boto ay siyang boses ng mga botante.
Ngunit, dapat totoong mga boto ang siyang kikilalanin, masusunod at mananalo – hindi iyong mga dinayang boto.
Walang dudang tumaas pa ang bilang ng boto ni Robredo laban kay Marcos matapos muling bilangin ang mga boto sa Camarines Sur, Iloilo at Negros Oriental alinsunod sa resulta ng PET.
Ngunit, hanggang dito lang ba ang dapat kilalanin, sundin at manalo upang ideklarang talo si Marcos sa halalan?
Paano ang pinagdudahang mga boto sa 39,221 presinto sa Lanao del Sur, Basilan at Maguindao?
Ang mga boto rito ay isinama sa bilang ng mga boto ni Robredo.
Nasaan ang mga totoong boto kay Marcos?
Kung natuloy ang imbestigasyon sa eleksyon sa Lanao del Sur, Basilan at Maguindanao ay pihadong malalaman natin ang katotohanan kung totoo ang akusasyon ni Marcos na gumagawa ng malawakang pandaraya ang kampo ni Robredo.
Napakasama ng imahe ng Korte Suprema at ng mananalong mga kandidato kung ibabatay muli ng PET sa batayang teknikal ang desisyon nito sa mga protestang elektoral sa mga susunod na panahon matapos ang napakahabang taon ng pagkakababad ng naturang demanda.
Dapat napakabilis ang aksyon at desisyon ng Korte Suprema, o PET, dahil ang nakasalalay dito ay totoong boto ng mga Filipino at hindi ang kandidato.
Sagrado ang botong ito dahil isa ito sa buhay ng demokrasya sa Pilipinas.
