NANINIWALA si Senate President Vicente Sotto III na ‘mabilis’ na papasa sa Senado ang panukalang batas na nagdedeklarang “President Ferdinand Edralin Marcos Day” ang Setyembre 11 kada taon sa Ilocos Norte.
Idiniin ni Sotto na siya mismo ay hindi tutol sa House Bill 7137 (HB 7137) na pumasa sa mababang kapulungan ng Kongreso nitong nakalipas na linggo.
Batay sa proseso ng paggawa ng batas sa bansa, iaakyat sa Senado ang HB 7137 upang ipasa, o tanggihan ang panukalang ito.
Ani Sotto, si Marcos ay “bayani” ng mga Ilokano dahil marami itong nagawa noong panahon siya ang pangulo ng bansa.
“As far as Ilocos Norte is concerned, President Marcos was a hero. He has done a lot for Ilocos Norte,” wika ni Sotto.
Si Marcos ang ika-10 pangulo ng bansa at nanungkulan mula 1965 hanggang 1986.
Si Marcos lang sa kasaysayan ng bansa ang dalawang beses (1965 at 1969) na nahalal sa pagkapapangulo ng bansa sa ilalim ng Konstitusyong 1935.
Bago maging pangulo, naging presidente siya ng Senado.
Ipinaliwanag din ng lider ng mataas na kapulungan ng Kongreso na batay sa karanasan ay hindi pinagtatalunan ang panukalang batas na “lokal ang aplikasyon.”
Ang H.B. 7137 ay nagbigay ng isang araw na “holiday” sa Ilocos Norte upang ipagdiwang ng mga residente rito ang kapanganakan ng itinuturing na bayani. (NELSON S. BADILLA)
452
