KINUMPIRMA ni Executive Secretary Salvador Medialdea na ganap nang batas ang Bayanihan to Recover As One Act o Bayanihan 2 matapos lagdaan ito ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, araw ng Biyernes, Setyembre 11.
Nakapaloob sa Bayanihan 2 ang P165-billion stimulus package, na naglalaman ng P140-billion na regular appropriations at P25-billion standby fund.
Kabilang kasi ang Bayanihan 2 sa recovery plan ng pamahalaan upang muling buhayin ang ekonomiya ng bansa sa gitna ng COVID pandemic.
Napaso na ang Bayanihan to Heal as One Act, noong Hunyo 24.
Nilagdaan ni Pangulong Duterte ang bagong batas o ang Bayanihan 2, labing walong araw matapos ratipikahan ng Kongreso ang Bayanihan 2 noong Agosto 24.
Sa kabilang dako, nagpaabot naman ng pasasalamat ang Malakanyang sa dalawang kapulungan ng Kongreso sa ipinamalas na statemanship ng mga ito, dahilan ng mabilis na pagkakapasa ng Bayanihan to Recover As One Act.
“We thank the leaders of both Houses of Congress for their display of statesmanship by their swift passage of this important piece of legislation,”ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.
Kasunod na rin ito ng paglagda ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Bayanihan II, upang ganap na itong maisabatas.
Ayon kay Secretary Roque, ikinu-konsidera ng pamahalaan ang Bayanihan II bilang mahalagang bahagi sa effort ng gobyerno na dahan-dahang buksan ang ekonomiya ng bansa sa gitna ng COVID pandemic.
Sinabi ng kalihim na sa pamamagitan nito, masusuportahan ng pamahalaan ang businesses, at mabubuhay nito ang pag-unlad ng ekonomiya, habang pinagtitibay rin ang kakayahan ng bansa na labanan ang COVID-19 sa pamamagitan ng pagpapalakas sa health care capacity at pandemic response ng Pilipinas.
“We consider the Bayanihan II crucial in our efforts to gradually re-open the economy, support businesses and revitalize growth as we make our country resilient to COVID-19 by strengthening our health sector, particularly our healthcare capacity, and pandemic response,” ani Roque.
Samantala, nauna nang tiniyak ni Senador Bong Go ang paglagda ni Pangulong Duterte sa Bayanihan 2 na naglalaman nga ng P165 bilyong pondo na ipang-aayuda sa mga naapektuhan ng COVID-19. (CHRISTIAN DALE)
