ISINUSULONG ni Senador Francis Tolentino ang panukala upang gawing installment ang mga naipong bayarin sa kuryente, tubig at telepono sa gitna ng umiiral na state of calamity bunsod ng COVID-19 pandemic.
Sa kanyang Senate Bill 1473 o ang proposed Three-Gives Law, sinabi ni Tolentino na dapat magkaroon ng three installment payments sa lahat ng bayarin na naipon dahil sa lockdown.
Iginiit ni Tolentino na mahalaga ang panukala upang mabawasan ang pasanin ng mga Pinoy na patuloy pa rin ang pakikibaka upang malagpasan ang krisis dulot ng COVID-19.
“It is the intent of this measure to uphold the general welfare of the people and to assist their economic well-being immediately after the occurrence of natural or man-made calamities or health epidemic,” saad ni Tolentino.
“Malaki ang maitutulong nito sa mga kababayan natin na lubhang naapektuhan ng COVID-19, lalo na iyong mga nawalan ng hanapbuhay at pagkakakitaan,” dagdag ng senador.
Matatandaang una nang ipinag-utos ng gobyerno ang moratorium sa pagbabayad ng kuryente, tubig, telepono at iba pang bills dahil sa umiiral na enhanced community quarantine.(Dang Samson-Garcia)
209
