HINAMON ng Makabayan bloc sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at Vice President Sara Duterte na isapubliko ang lahat ng natanggap nilang campaign donations sa mga kontratista na may proyekto sa gobyerno.
Kasabay nito, sinabi nina ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, Kabataan Rep. Renee Louise Co At Gabriela party-list Rep. Sarah Elago na dapat panagutin din ang dalawang pinakataas na lider ng bansa sa paglabag ng mga ito sa election laws.
Ginawa ng mga nabanggit na mambabatas ang pahayag kasunod ng expose’ ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) na nilabag nina Marcos at Duterte ang Section 95 ng Omnibus Election Code na nagbabawal sa mga kandidato na tumanggap ng donasyon sa mga indibidwal o kumpanya na may mga kontrata sa gobyerno.
“The evidence is staggering and undeniable,” ayon sa Makabayan solon dahil base umano sa Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) ni Marcos, nakatanggap ito ng P20 milyon sa kontraktor na si Rodulfo Hilot Jr., noong 2022 election.
Dahil dito, lumubo umano ang nakuhang kontrata ng Rudhil Construction sa P3.5 billion noong 2024 mula sa P2.7 billion ng 2023 habang P1 million umano ang natanggap ng Pangulo kay Jonathan Quirante ng Quirante Construction kaya mula sa P1.9 billion na nakuhang kontrata nito noong 2022 ay naging P3 billion noong 2023.
Sa SOCE naman anila ni Duterte, P19.9 million halaga ng campaign advertisement nito ang sinagot ng kontratistang si Glenn Escandor ng Esdevco Realty Corporation kaya isa pang kumpanya nito na Genesis88 Construction ay naging top flood control contractor sa Davao del Sur matapos makakuha ng P2.9 halaga ng kontrata sa unang tatlong taon ng administrasyon.
Wala pang sagot si VP Duterte sa isyung ito subalit binakbakan ng kanyang kapatid na si Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte ang Makabayan bloc at tinawag niya ang mga ito na “Maka-Kaban ng Bayan.
(BERNARD TAGUINOD)
